KUMIKILOS na ang Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) para alamin kung may kapangalan si party-list representative-elect Atty. Chel Diokno at aktres na si Marian Rivera na parehong tumanggap umano ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte-Carpio.
Kasunod ito ng paghingi ng Kamara ng tulong sa dalawang nabanggit na ahensya matapos matuklasang may recipient na nagngangalang ‘Chel Diokno’ at ‘Marian Rivera’ sa confidential funds ng pangalawang pangulo at pumirma pa sa acknowledgement receipt (AR).
Ayon kay Lanao del Sur congressman Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, mahalagang matukoy ang mga indibidwal na tumanggap ng confidential funds ni VP Duterte, na nakabatay sa acknowledgment receipt na ibinigay ng kanyang tanggapan sa Commission on Audit (COA).
Gayun pa man, ngayon pa lamang ay duda na si Adiong na may kapangalan si incoming Akbayan party-list solon Chel Diokno dahil hindi aniya common name ang ‘Chel” sa bansa.
“(. . .) to my mind medyo nakakatawa dahil mukhang ang pangalan naman ‘Chel’ ay hindi siya common. And then lagyan mo pa ng apelyidong Diokno, mukhang hindi rin siya common,” pinunto ni Adiong.
Tinawag naman ni Diokno na “kawalanghiyaan” ang pagsama sa pangalan ng sikat na Kapuso actress bilang recipient ng confidential funds ng bise presidente.
“Pati ba naman pangalan namin ni Ma’am Marian dinamay nila! Grabe ang kawalang-hiyaan,” pahayag ng party-list representative-elect matapos malaman ang tungkol sa paggamit ng kanilang pangalan.
Sa kaso ng pangalang ‘Marian Rivera’, sinabi ni Adiong common name aniya ito sa Pilipinas kaya kailangang aniyang alamin ito ng NBI at PSA at hanapin kung siya ay totoong tumanggap ng confidential funds.
Idinepensa rin ng mambabatas ang pag-isa-isang pagpapalabas sa mga kwestiyonableng pangalan na inilista ng office of the vice president (OVP) at Department of Education (DepEd) na recipient sa confidential funds ng Pangalawang Pangulo.
(BERNARD TAGUINOD)
