NAGHAIN ng petisyon ang OFW Party-list sa Korte Suprema (SC) nitong Lunes upang humiling ng muling pagsusuri sa pagkalkula para sa mga partidong maaaring makaupo sa ika-20 Kongreso.
Sa kanilang petisyon para sa certiorari, pinarerepaso ng grupo ang pagkalkula ng alokasyon ng mga panalong party-list seats gamit ang isang formula na hindi nagpapahintulot ng karagdagang upuan para sa mga nakakuha ng 2% ng kabuuang boto.
Nakakuha ng tig-tatlong upuan ang Akbayan, Duterte Youth at Tingog. Tig-dalawang upuan naman ang napanalunan ng 4Ps, ACT-CIS at AKO BICOL. Sa kabuuan, may 48 party-list groups ang nakakuha ng isang upuan.
May kabuuang 63 upuan na inilaan para sa mga kinatawan ng party-list. Pang-59 sa listahan ang OFW Party-list.
“Dapat po 64 ang seats ng party-list at ginagawa lamang nila na 63 sa representasyon sa Kongreso. Bakit? Ito pong gagawin na 64 ay makadadagdag sa marginalized sector na makakaupo sa Kongreso na magiging boses ng mga nasa laylayan ng lipunan,” ayon kay Rep. Marissa del Mar.
“Ang aming pinaglalaban dito ay tunay po sana, ‘wag natin ihalal ang isang nagkukunwari na siya po ay kinatawan pero kung tutuusin po wala naman po talaga silang kinakatawan na sektor. Ang kinakasama ng loob ng OFWs natin, tayo pa ang nawalan ng boses sa Kongreso. Parang meron tayong committee ng healthcare, wala naman tayong doktor,” dagdag pa niya.
Sinuspinde kamakailan ng Commission on Elections ang proklamasyon ng Duterte Youth at Bagong Henerasyon party-lists dahil sa mga nakabinbing petisyon laban sa kanila.
Nanawagan din si Del Mar sa Korte na muling suriin ang akreditasyon at idiskwalipika at huwag pahintulutan ang patuloy na paglahok ng mga grupong hindi kabilang sa marginalized sector sa party-list system ng halalan.
(JULIET PACOT)
