PINAGDUDAHAN ng incoming na mambabatas sa Kamara ang pagiging epektibo ng pagbalasa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang mga gabinete dahil may ilan sa kanila na hindi nababagay sa pinaglagyang pwesto.
Inihalimbawa si Department of Energy (DOE) Sec. Raphael “Popo” Lotilla na inilipat ni Marcos sa DENR matapos tanggapin ang courtesy resignation ni dating DENR Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga.
Nababahala si Act Teacher Rep-elect Antonio Tinio sa pagkakaugnay umano ni Lotilla noon sa mga industriya na laging tumututol kapag may aksyon para protektahan ang kapaligiran.
“Secretary Lotilla’s background raises legitimate concerns about potential conflicts of interest. We urge him to dispel these doubts by implementing policies that will genuinely protect our ecosystems from destructive mining, logging, and other extractive activities that only benefit the few at the expense of many,” hamon ni Tinio.
Hindi nagbanggit ang mambabatas ng mga korporasyon na dating naugnay umano kay Lotilla subalit kailangan aniyang patunayan sa taumbayan na hindi nagkamali si Marcos sa pagtatalaga sa kanya sa DENR.
“Ang tunay na pagsubok kay Secretary Lotilla ay kung kaya niyang ipaglaban ang kapakanan ng mamamayan at kalikasan laban sa mga mapanirang gawain ng malalaking kumpanya. Hindi na maaari ang business-as-usual approach sa DENR dahil patuloy na nanganganib ang ating kalikasan,” ayon pa kay Tinio.
Pinauuna ni Tinio kay Lotilla ang kaso ng Masungi Georeserve na nanganganib na mapasakamay ng mga pribadong grupo na kapag nangyari ay mawawasak ito at mawawalan ng proteksyon ang Metro Manila laban sa malalakas na bagyo at pag-ulan.
Maging si outgoing Act Teacher party-list Rep. France Castro ay hinamon si Lotilla na protektahan ang kapaligiran at hindi ang mga korporasyon.
“We challenge Secretary Lotilla to prove that his administration will genuinely serve as stewards of our environment and natural resources. The Filipino people need a DENR that will stand firm against corporate interests that have long exploited our lands, forests, and waters,” ani Castro.
Iginiit ng mambabatas na “Kailangan nating isalba ang ating kapaligiran hindi lamang para sa ating henerasyon kundi para sa mga susunod pang henerasyon”.
(BERNARD TAGUINOD)
