GANADO mula sa matagumpay na kampanya ng mga Pilipinong atleta sa katatapos lang na 32nd Olympics sa Tokyo, nagkasundo ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) na sustenahan ang kanilang nasimulan.
Nagkaisa sina PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez at POC President Abraham ‘Bambol’ Tolentino na dapat agad masimulan ang ‘Hidilyn Diaz model’ upang masundan ang unang Olympic gold medal ng Pilipinas kaloob ng Pinay weightlifter.
Naniniwala ang dalawang opisyal na kung gusto ng bansa na magtuloy-tuloy ang tagumpay ng mga Pinoy athletes sa 2024 Paris Games, dapat na tutukan ang pinansiyal na aspeto kasama ang scientific training nila.
Maliban sa Olympic gold ni Diaz, wagi rin ang ating mga boksingero ng dalawang silver mula kina Carlo Paalam at Nesthy Petecio, at bronze mula kay Eumir Marcial.
“We have to be serious if we would like to sustain the momentum (of the Tokyo Olympics). Hindi lang pera ang kailangan, but as a sports educator who have travelled in other parts of the world, it is really extremely important that we will provide a cutting edge sports science which we dreamed here in the Philippine Sports Institute (PSI). Hindi kasi siya genuine, hindi siya real. Maraming kulang,” pag-amin ni Ramirez sa Philippine Sportswriters Association (PSA) online forum noong Martes.
Ipinaliwanag ng kalihim na sa cutting edge sports science, ang mga atleta ay dadaan sa performance science, physiological test, metabolic efficiency, at iba pang programa na ginagawa ng mga bansa tulad ng China, U.S, Russia, at Europe bago sila sumalang sa malalaking international tournaments.
“Sa akin hindi lang pera ang kailangan. The government, lessening from the success of the Tokyo Games, must put up this cutting edge sports science or putting science in our own training, kasi kung wala yan, mahirap i-achieve yung goal sa Paris, sa LA (1928), sa Brisbane (1932),” sabi ni Ramirez, na sinang-ayunan ni Tolentino. (ANN ENCARNACION)
225 