BINALAAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko laban sa umano’y kumakalat ng pekeng P1,000 bills.
Nitong Huwebes ay pinayuhan ng BSP ang publiko na maingat na busisiin ang security features ng kanilang banknotes upang matiyak na genuine ang kanilang pera, kasunod ng mga ulat na may nagkalat na pekeng P1,000 bills.
“To ascertain the genuineness of the NGC banknotes, the public is advised to use the Feel-Look-Tilt method to check the security features,” ayon pa sa BSP.
Tiniyak naman ng BSP na biniberipika na nila ang mga ulat sa messaging apps at social media platforms hinggil sa umano’y counterfeit 1000-piso banknotes.
Nagbabala rin ito na sa publiko na ang pamemeke ng pera ay may katapat na parusang pagkabilanggo ng hanggang 12 taon at multa na hanggang P2 milyon.
“Under Republic Act No. 10951, counterfeiters of Philippine currency are subject to the penalty of imprisonment of at least 12 years and 1 day and a fine not exceeding two million pesos,” paalala pa ng BSP.
Iniulat pa ng BSP na mula Enero hanggang Hunyo lamang ng taong ito ay may 14 indibidwal ang naaresto at siyam ang nasampahan ng kasong kriminal dahil sa pekeng pera.
Hinikayat rin nito ang publiko na agad i-report ang ano mang impormasyon hinggil sa pamemeke ng Philippine currency sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o ano mang law enforcement agency upang kaagad itong maaksiyunan.
Maaari rin umanong kumontak ang publiko sa Payments and Currency Investigation Group (PCIG) ng BSP sa email address na currencyinvestigation@bsp.gov.ph. (RENE CRISOSTOMO)
