Publiko ‘wag atat sa Pasko – Manila LGU PARTIES, SHOPPING DELIKADO SA COVID

“HUWAG kayong excited sa Pasko dahil sigurado ako, ang Pasko darating.  ‘Di lang ako sigurado kung makikita mo pa ang Pasko. ‘Wag atat…  ‘Wag n’yo bibiruin si COVID dahil ‘di siya nagbibiro. Totodasin kayo n’yan at lahat ng pagsisisi nasa huli.”

Ito ang seryosong  babala ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kasabay ng pagpapahayag ng kalungkutan sa dami ng mga Manileño na nagiging pabaya dahil sa ginagawang pag-iinuman sa loob at labas ng kanilang mga bahay, pagsasagawa ng kabi-kabilang party na akala mo ay wala na ang COVID-19.

 “Marami pang Pasko, Bagong Taon at piyestang darating. Bakit ba kayo atat? Bakit ba tayo nagmamadali? Magdisiplina kayo at pagmalasakitan ang inyong sarili dahil ‘yung kinabukasan ng mga anak natin na pinagsisikapan nating mairaos ang mapapariwara ‘pag nawala tayo sa mundong ibabaw,” giit ng alkalde.

Sinabi pa nito na ang disiplina at pagsunod sa health protocols ay dapat gawin anumang oras at kahit saang lugar, at dapat na nakatanim sa isipan ng lahat na mayroon pang pandemya na dala ng COVID-19 at nanatili itong nakamamatay at papatay ng buhay ng marami.

“Magdugo na ang tenga ninyo sa kakaulit ko. Pinaaalalahanan ko kayo na may panganib pa,” dagdag pa ng alkalde. (RENE CRISOSTOMO)

274

Related posts

Leave a Comment