Pugad ng katiwalian PS-DBM AT PITC PINABUBUWAG

PUGAD ng katiwalian ang paglalarawan ng isang kongresista sa dalawang tanggapan ng pamahalaan na sangkot sa eskandalo kaugnay ng mga pagwawaldas ng limitadong pondo ng gobyerno.

Kaya naman panawagan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, buwagin ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) na noo’y pinangangasiwaan ni dating Usec. Christopher Lloyd Lao na siyang direktang may kinalaman sa maanomalyang procurement deal para sa medical supplies nitong nakaraang taon.

Bukod sa PS-DBM, target din ni Zarate ang Philippine International Trading Corporation (PITC) na aniya’y nagpatulog lamang ng pondo habang nagkukumahog ang Palasyo sa paghahanap ng salapi para sa bakuna at ayuda.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on appropriations sa panukalang budget ng Department of Interior and Local Government (DILG), lumalabas na mahigit P4.1-bilyong pondong laan para sa 104 units ng bagong firetrucks ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinatulog lamang ng mga nasabing ahensya mula pa noong 2017.

“Mukhang napakalaking parking lot talaga nitong PITC at PS-DBM ng pondo ng pamahalaan – mula DOH, DND, DOE pati DILG, dito inilalagak ang mga pondo. Pero kung di overpriced ay di naman nagagamit ang pera,” ani Zarate.

Paliwanag pa ng mambabatas, taon-taon kung humingi ng pondo ang BFP sa hangaring madagdagan ang kagamitan ng nasabing kawanihan.

Bagamat nabibigyan ng pondo, pinatutulog lamang aniya ng PS-DBM at ng PITC ang perang dapat sana’y naging unang malaking hakbang sa modernisasyon ng BFP.

“Dapat na talagang i-review ang papel ng procurement agencies na ito dahil nagiging parang parking lot lang sila ng malaking pondo na nasasayang at pwedeng naging pugad lang din ng korapsyon,” dagdag pa ni Zarate.

Pag-amin naman ng DILG, inaabot ng pagmahal ng mga firetruck ang BFP bunsod ng pagkabalam sa procurement process para sa dagdag kagamitan ng ahensyang pamatay sunog.

“While there is a push for the modernization of the BFP, the DILG should first judiciously use its funds for the procurement of its materials. For every emergency equipment not procured efficiently, potentially more damage to life and property will happen,” pagtatapos pa ng kongresista. (BERNARD TAGUINOD)

127

Related posts

Leave a Comment