BULACAN – Isang puganteng top 1 most wanted person sa bayan ng Norzagaray dahil sa 5 counts ng rape, ang napatay makaraang umano’y manlaban sa pinagsanib na tracker team ng Norzagaray Police at Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa ikinasang manhunt operation sa Barangay San Mateo sa nabanggit na bayan sa lalawigang ito, noong Huwebes.
Base sa report kay P/Col. Lawrence B. Cajipe, Bulacan police director, kinilala ang suspek na si Ismael Zabala, residente sa Sitio Anahaw, Barangay San Mateo, Norzagaray.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:45 ng gabi nang isagawa ang manhunt operation ng tracker team ng pulisya laban sa suspek na nagtago mula pa noong Hunyo 29, 2016 nang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya para sa 5 counts ng rape.
Ngunit imbes na sumuko, pinaputukan umano ng suspek ang papalapit na mga awtoridad na nagresulta sa shootout at ikinamatay nito.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang isang caliber .38 revolver Smith and Wesson at isang caliber .22 magnum at mga bala. (GINA BORLONGAN)
