MABILIS na nagresponde ang Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni PCol. Randy Glenn Silvio, Deputy District Director for Administration and Officer-in-Charge, sa napaulat na landslide incident sa kahabaan ng Don Vicente St., sa harap ng Lamb Gate, Filinvest II, Brgy. Bagong Silangan, Quezon City nitong Huwebes ng umaga.
Sinabi sa ulat ng QCPD, nangyari ang pagguho ng lupa dakong alas-6:20 ng umaga, sanhi ng natumbang mga puno ng kawayan na pansamantalang humarang sa isang bahagi ng Don Vicente Street.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Payatas Bagong Silangan Police Station 13, sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Rowena Amata, na nakatalaga sa malapit na fixed visibility point, para magbigay ng security assistance at rescue operations sa kinauukulang mga ahensya ng gobyerno. Sa kabutihang palad, walang iniulat na napinsalang residente o pinsala sa mga kalapit na bahay.
Kasama rin sa mga nagresponde ang personnel ng PS 13 ang District Mobile Force Battalion (DMFB), mga tauhan ng Kamuning Police Station 10, mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) District 2, Barangay Bagong Silangan BPSOs, Barangay Traffic Unit, Task Force Disiplina, at Urban Search and Rescue (USAR) team.
Inulit ng QCPD ang pangako nitong mabilis na tumugon sa mga emerhensiya at makipagtulungan sa mga lokal at iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente ng Quezon City, lalo na sa panahon ng kalamidad. (PAOLO SANTOS)
