QUARANTINE RESTRICTIONS, HINILING NA LUWAGAN

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Inter-Agency Task Force (IATF) na masusing pag-aralan ang pagluluwag ng quarantine restrictions para dumami pa ang makapagbukas ng negosyo at makabalik na rin sa trabaho ang mga magulang sa gitna na rin ng desisyon ng gobyerno na unti-unti nang buksan ang mga paaralan sa mga low-risk areas.

“Maraming mga magulang ang natengga sa bahay dahil ‘yung iba ay nawalan ng trabaho at ‘yung iba naman ay pinili na lang na manatili sa bahay para gabayan ang mga anak sa distance learning,” saad ni Gatchalian.

“Sa muling pagbubukas ng mga paaralan, makakabalik na rin sa trabaho ang mga magulang at muling sisigla ang takbo ng ekonomiya kasunod ng inaasahang unti-unting paglawak ng pagbubukas ng mga sektor ng transportasyon, edukasyon at mga sangay na negosyo, pati na ang service sector,” dagdag pa ng senador.

Ang pahayag na ito ng Senate Economic Affairs Vice Chairperson ay batay sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank (ADB) kung saan napag-alaman na aabot sa P225 bilyon ang katumbas ng kitang nawala sa mga magulang na kumakatawan sa 11% na mga manggagawang apektado ng pandemya sa school year 2020-2021.

“Ang mga magulang ay mga empleyado rin. Batay sa karanasang nakita natin, karamihan sa mga magulang ay napilitan ring manatili sa kanilang mga tahanan at napatigil sa paghahanapbuhay dahil kailangan nilang gabayan ang mga anak nila lalo na doon sa mga isinailalim sa granular lockdown sa Metro Manila,”sabi ng senador.

Sa muling pagbubukas ng ilang mga paaralan, umaasa si Gatchalian na makakabawi na ang mga working parents dahil mabibigyan na rin sila ng panahon na muling makapaghanapbuhay habang nasa eskwelahan ang kanilang mga anak.

Sa pagsasaliksik na ginawa ng NEDA, aabot sa P41.4 trilyon ang katumbas na halaga ng epekto ng mga isinagawang quarantine sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Upang maibsan ito, iminungkahi ni Gatchalian ang pagpapabilis ng pagpapabakuna sa mga manggagawa sa informal sector at mga self-employed na indibidwal upang makabalik na sila sa kanilang paghahanapbuhay o makahanap na agad ng kanilang bagong pagkakakitaan. (DANG SAMSON-GARCIA)

145

Related posts

Leave a Comment