QUEZONIAN MAY PANAWAGAN KAY GOV. SUAREZ AT SA DOH

NANANAWAGAN sa ama ng lalawigan at mga opisyal ng Department of Health ang mga Quezonian na gumawa ng agarang aksyon sa tila pagpapabaya ng Lucena City, Quezon Medical Center, isang public hospital, sa mga bangkay ng mga tinamaan ng COVID-19 na naka­tiwangwang lang sa pasilyo ng nabanggit na pagamutan.

Ayon sa mga ­Quezonian, bagama’t naka-body bag ang mga katawan ng mga nasawi ay hindi anila kaaya-aya ang simoy ng hangin sa nasabing pasilyo dahil naaagnas na ang mga labi.

Ipinagtataka pa ng mga nagrereklamo o saksi, bakit tila hindi ­inaalintana ng pamunuan ng nasabing hospital at ng tanggapan ng ­gobernador ang nasabing sitwasyon gayung katabi ng mga nasawi sa COVID-19 ang mga kwarto na kasalukuyang ginagamit bilang silid para sa CT Scan, 2D Echo, at blood bank!

At sa ikalawang palapag naman, kung saan tanaw na tanaw ang mga labi ng mga biktima, umabot na ang hindi kaaya-ayang amoy ng mga patay sa stay-in quarters ng mga nurses na naka-duty, at mga silid para sa mga ­nag­popositibo at ­nagpapagaling sa ­COVID-19.

At sa third floor naman ay matatagpuan ang mga opisina tulad ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH), at ilan pang tanggapan kung saan tanaw pa rin ang dugyot na sitwasyon sa ibaba ng gusali,

Sa inyo Gov. Danilo Suarez at sa pamunuan ng Quezon Medical Center!! Kailangan pa bang ipaalaala o ­ipangalandakan sa inyo ang DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, kung saan nakasaad na hindi maaaring patagalin ng higit labing-dalawang oras ang labi ng isang taong pumanaw sa sakit na COVID-19 bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate rito dahil sa lubos itong nakapanghahawa? At kung walang kamag-anak na kukuha sa mga labi, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation sa mga nasawi!

Nagtataka rin ang mga nakasaksi kung bakit wala pa ring kongkretong pagkilos dito ang mga kinauukulang opisina gayung nagpa­tawag naman daw ng pagpupulong si Governor Danilo Suarez hinggil sa ­nabanggit na sitwasyon sa Quezon Medical Center.

Subalit tila anila walang alam ang ­gobernador sa kung anong susunod na hakbang ang kanyang tatahakin para solusyunan ang lumalalang sitwasyon.

Samantala, batay naman sa pinakabagong report ng lalawigan ng Quezon nitong ika-12 ng Setyembre, nakapagtala ito ng panibagong 153 COVID cases:

Anim (6) sa Catanauan, Dolores – 1, Gumaca – 20, Patnanungan – 5, Polillo – 3, Sariaya – 12, Tagkawayan – 6, Burdeos – 7, Calauag – 7, Candelaria – 10, Dolores – 2, Gen. Nakar – 4, Infanta – 11, Lucena – 30, Pagbilao – 11, Real – 14, at San Antonio – 4.

Sa kabuuang tala ng mga tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan ng Quezon, umaabot sa kabuuang 22,262 ang kumpirmadong kaso, habang 18,720 ang gumaling sa mga tinamaan ng COVID-19 at 1,083 naman ang nasawi. Mayroon namang 2,459 na aktibong kaso na posible pang tumaas.

136

Related posts

Leave a Comment