UMIWAS si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo sa mga tanong ukol sa mga blangkong item sa bicameral conference committee report sa 2025 national budget.
Sinubukang kunan ng mga reporter ng paliwanag si Quimbo ukol sa isyu sa isang ambush interview, ngunit pinatabi lang sila ng staff ng mambabatas dahil kailangan na nitong umalis para sa isang event.
“Nagmamadali lang siya. Nagmamadali lang siya,” wika ng tauhan habang mabagal na naglalakad si Quimbo patungo sa kanyang sasakyan. “Sa Monday na lang. Babalik siya,” dagdag pa nito.
Nagsilbi si Quimbo bilang vice chairperson ng House Committee on Appropriations na nagbusisi sa 2025 budget at isa sa mga miyembro ng delegadong pinadala ng Kamara sa bicameral conference committee. Matapos magbitiw si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, itinalaga si Quimbo bilang acting chairperson ng nasabing komite. Kinumpirma ng ilang mambabatas ang mga blangkong item sa bicam report, kabilang na sina House Deputy Minority Leader France Castro, Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab. Ayon kay Castro, natanggap niya ang kopya ng nasabing bicam report ilang minuto bago ito ratipikahan noong Disyembre 11. Sinabi naman ni Manuel na nakita niya ang 12 blangkong item na nakakaapekto sa halaga ng mga programa, aktibidad at proyektong may kinalaman sa agrikultura, at unprogrammed appropriations.
26