PARA maibalik ang tiwalang nabahiran ng mga utak-sindikato at tiwaling pulis, nanindigan ang hepe ng pambansang pulisya na hindi uubra ang quota system at bata-bata hangga’t siya ang namumuno ng Philippine National Police (PNP).
Pagtitiyak ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., walang palakasan system na paiiralin sa loob ng organisasyon pagdating sa promosyon ng mga kabaro.
Payo ni Acorda sa mga nagnanais umangat ang ranggo, magtrabaho ng buong sigasig, husay at katapatan para umani ng meritong aniya’y gagamiting batayan sa promosyon.
Aniya, lubhang mahalaga ang kredibilidad ng mga pulis para manumbalik ang tiwala ng taumbayan sa mga alagad ng batas, kasabay ng giit na respeto ang dapat mangibabaw – hindi takot ng mga tao sa mga unipormado.
Sa ginanap na regular flag-raising ceremony kahapon, hinikayat ni Acorda ang kapulisan sa kolektibong pagkilos para mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan.
Inatasan rin ng heneral ang mga station commanders na maging magiliw sa lahat ng mga nagtutungo sa mga himpilan para dumulog, magreklamo, magsuplong at iba pang sadya sa pulisya.
“Mas dama ng publiko na protektado sila ng pulisya kung magiging magiliw tayo sa pagtanggap sa kanila… bukod pa sa sila ang magiging mata natin sa kanilang lugar.”
Samantala, muling nagpaalala ang PNP chief sa prayoridad ng pambansang pulisya – Aggressive and Honest Law Enforcement Operations, Personnel Morale & Welfare, Integrity Enhancement, Information & Communication Technology Development at Community Engagement. (JESSE KABEL RUIZ)
227