CAVITE – Sa pangambang siya ay mahuli ng mga awtoridad, nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti ang isang caretaker na top 4 most wanted person sa Muntinlupa Police dahil sa kasong 10 counts ng rape, sa isang apartment na binabantayan niya sa bayan ng Silang sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Arturo Basilio, alyas “Bangs”.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Glenn Soriano ng Silang Police Station, ala-1:45 ng hapon noong Linggo nang napansin ni Jhonna Lumunsod, 37, factory worker, nakatira sa isang unit ng apartment, na bukas ang pintuan ng tinutuluyan ng biktima. Nang tinangka niyang silipin ay nakita ang biktima habang nakabigti sa loob.
Ang pagkakadiskubre sa pagkamatay ng biktima ay naging dahilan upang matunton ito ng Muntinlupa City Police na itinuturing palang top 4 most wanted person dahil sa kasong 10 counts ng rape.
Ayon kay P/SMSgt. Soriano, nabasa sa cellphone ni Basilio na hinahanap ito ng pamilya ng isa sa kanyang mga biktima ngunit sumagot umano ito na mas nanaisin niyang magpakamatay kaysa mahuli siya ng mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)
