REFUND PARA SA MGA NAWALAN NG TUBIG!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Iginigiit ng Bayan Muna na kailangan magkaroon ng kompensasyon ang lahat ng mga konsumer na nawalan ng tubig nitong nakaraang mga linggo. Refund ang a­ming panawagan!

Sa pagdinig sa Kongreso noong Lunes, inamin ni Ferdinand de la Cruz, Presidente ng Manila Water, na magbabayad pa rin ng minimum fee ang mga konsumer kahit na may water interruption at walang 24/7 water service. Malinaw na talo ang taumbayan sa ga­nito. Kahit walang tumutulong tubig sa gripo ay magbabayad pa rin ng minimum amount ang mga konsumer.

Katunayan, labag sa concession agreement na pinirmahan noong 1997 ang malawakang pagkawala ng tubig sanhi ng kanilang pagpapabaya at pagkaganid sa tubo. Ngunit sinabi mismo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay inutil sila sa u­saping ito. Ang MWSS sana ang regulator ng mga pribadong concessionaires sa tubig, ngunit, ayon sa kanila, wala silang kapangyarihang magpataw ng fines o penalties. Ano ngayon ang habol nating mga mamamayan sa mga water concessionaires na ito, gayong ang mismong go­byerno ay walang kakayanang parusahan sila sa kanilang pagpapabaya at panggigipit? Kailangang may managot sa perwisyo at dagdag-pahirap na ito sa mamamayan!

Captured market o walang ibang magagawa ang mamamayan kundi kumonekta sa mga concessionaires na ito. Kaya naman, nasa awa tayo ng mga ito kung tayo ay seserbisyuhan o hindi. Dito pumapasok ang usapin ng pribatisasyon ng mga public utilities. Dalawampung taon na mula nang isapribado natin ang ating tubig sa pangako na magkakaroon ng 24/7 na supply sa halagang mababa. Ngunit lahat ng ito ay hindi natupad ng mga water concessionaires na ito. Ang pagtaas ng pre­syo ng tubig ng Maynilad ay 574% ang itinaas mula 1997, at ang Manila Water naman ay tumaas ng 879%!

Ang tubig ay napakahalaga sa bawa’t isa, at i­binigay sa atin nang libre ng kalikasan. Ngunit ito ay ginagatasan ng bilyun-bilyong tubo ng iilang negosyante. Ang tubig ay buhay, ngunit sa pagsasapribado ng a­ting tubig, ipinagkakait ito sa mamamayan.  (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

267

Related posts

Leave a Comment