BAGAMA’T isang mahalagang hakbang sa pagbabalik-normal ng edukasyon ang marahang pagbabalik sa face-to-face classes, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na dapat magpatupad ng remedial programs upang makahabol ang mga mag-aaral sa kanilang mga aralin. Ito ay sa kabila ng pinangangambahang pag-urong ng kaalaman dahil sa mahigit isang taon na pagsasara ng mga paaralan.
Isinusulong ni Gatchalian ang kanyang panukalang programa para sa learning recovery na Academic Recovery at Accessible Learning (ARAL) o Senate Bill No. 2355. Kabilang sa panukalang programa ang mga sistematikong tutorial sessions, kung saan ang inaasahang mga lalahok ay ang mga hindi nag-enroll noong nagdaang school year, pati na rin ang mga nahihirapan sa subjects na Language, Mathematics, at Science.
“Habang unti-unti nating binubuksan ang mga paaralan, kailangang samahan natin ito ng tutorial sessions para sa mga mag-aaral. Dapat nating tiyaking makakahabol sila sa kanilang pag-aaral at maiwasan ang pag-urong ng kanilang kaalaman,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ayon sa pagsusuri ng World Bank sa learning losses na dulot ng pandemya, ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) ay tinatayang bababa mula 7.5 na taon patungo sa 5.7 hanggang 6.1 na taon, o katumbas ng 1.4 hanggang 1.7 taon na nawala. Ibig sabihin, ang kalidad ng edukasyon para sa labindalawang (12) taon ng basic education ay magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 na taon ng pag-aaral.
Tinataya ng National Economic and Development Authority na dahil sa isang taon ng kawalan ng face-to-face classes, mawawala sa ekonomiya ang labing-isang (11) trilyong piso sa susunod na apat na dekada.
Upang mapigilan ang lalong pag-urong ng pag-aaral, tututukan ng programang ARAL ang tinaguriang most essential learning competencies o basic subjects tulad ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10. Tututukan din ang Science mula Grade 3 hanggang 10.
Bibigyan ng prayoridad ang Reading o Pagbasa upang mahasa ang critical thinking at analytical thinking skills ng mga mag-aaral. Para sa Kindergarten naman, tututukan ng programa ang literacy at numeracy competencies.
Upang maabot ang bawat mag-aaral, ang ARAL Program ay isasagawa sa pamamagitan ng face-to-face, online, at blended learning. (ESTONG REYES)
