RENTAL PAYMENT NGAYONG PANDEMIC, PAANO NA?

PUNA

MAY mga natanggap tayong e-mail mula sa mga nangungupahan at nagpapaupa ng apartment na nagtatanong kung ano ang gagawin nila ngayong may kinakaharap na pandemic – ang coronavirus disease 2019.

Uunahing bigyan ng pansin ng PUNA ang mga reklamo ng mga mangungupahan laban sa nagpapaupa bagaman may mababait na nagpapaupa na naiintindihan ang sitwasyon ng mga taong umuupa sa kanila na karaniwan ay mga manggagawa na naapektuhan dahil sa tigil trabaho upang maipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) na panlaban sa virus habang wala pang natutuklasang gamot o bakuna.

Noong nakaraang Marso 24, 2020 inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘Bayanihan to Heal as One Act’ (RA 11469) na sinasabing mabilisan ang paggawa bilang pagtugon sa National Health Emergency issue bunga ng pandemic.

Bahagi ng nilalaman ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’, ang (bb) Provide for a minimum of (30)-day grace period on residential rents falling due within the period of enhanced community quarantine (ECQ), without incurring interests, penalties, fees and other charges.

Ang tanong kelan magsisimula ang grace period na sinasabi sa batas?

Nagsimula ang ECQ noong Marso 17 hanggang Abril 12 at na-extend pa hanggang Mayo 16, 2020 at kalaunan ay naging modified enhanced community quarantine (MECQ) na ang Metro Manila.

Habang umiiral ang ECQ sa mga bayan, siyudad at probinsiya ay hindi maaaring ipatupad ang mga bayarin o renta.

Paano naman sa ilalim na ng MECQ at general community quarantine (GCQ) na mas maluwag na ng konti sa ECQ?

Ang MECQ at GCQ ay hindi nakita sa ‘Bayanihan to Heal as One Act’ tanging ECQ lamang ang nakasaad kaya naman inaasahan na susundin pa rin ng mga nagpapaupa ang nakasaad sa batas na nilikha ngayong panahon ng pandemya.

Depende na siguro kay Pangulong Duterte kung may pagbabago sa kalakaran ng mga bayarin sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ at GCQ.

Sa ilalim ng ECQ ang sinumang lalabag sa ‘Bayanihan to Heal as One Act’ ay may kaukulang parusang pagkakakulong ng dalawang (2) buwan at multa na hindi bababa sa sampung libong piso (P10-K) at hindi naman lalagpas sa isang milyong piso (P1-M) o parehas, pagkakakulong at multa depende sa korte.

Ngayong panahon ng COVID-19, lahat tayo ay apektado.

Sa mga ganitong pagkakataon siguro kahit hindi na natin pairalin pa ang Bayanihan Act konsidersyon na lang muna dahil lahat naman tayo ay apektado.

Ang nakakapagtrabaho lang naman ngayon ay ang frontliners na tinatawag tulad ng health workers, militar, pulisya, media at iba pa.

Ibig sabihin karamihan sa ating mga kababayan ay walang hanapbuhay at umaasa lamang mula sa ayuda ng gobyerno na sa totoo lang ay kulang na kulang para sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Magandang magbigayan na muna ang bawat isa dahil hindi na magtatagal at lilipas din ang krisis na ito sa awa ng ating Panginoon.

Kumikilos ang pamahalaan lalo na si Pangulong Duterte para matulungan at mabigyang ayuda ang mga nangangailangan kaya’t kailangang makiisa tayo at tumulong dahil hindi kakayanin ng pamahalaan kung tayo ay magiging pasaway pa.

Konsiderasyon ang kailangan ng ating pangulo upang kahit paano ay mabawasan ang kanyang suliranin at pasanin.

Iisa ang ating dasal na sana ay makabalik na tayo sa normal nating pamumuhay.

oOo

Ang sinumang may suhestiyon at reaksyon ay mag-email  joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

368

Related posts

Leave a Comment