REP. NOGRALES NANINDIGAN PARA SA P200 ACROSS-THE-BOARD WAGE HIKE

“MAS mahalaga po na tumindig tayo at magkaisa para tuluyan nang maisabatas ang panukalang pagtaas ng sahod ng ating mga manggagawa. Ang sipag at tiyaga ng bawat manggagawang Pilipino ay dapat nating bigyan ng sapat na pagkilala, suporta, at nararapat na sahod upang matiyak ang mas maayos na kalidad ng buhay ng ating mga kababayan.”

Tinuran ito ni House committee on labor and employment chair Rep. Fidel Nograles matapos pangunahan ang pag-apruba sa panukalang P200 across-the-board wage increase sa mga empleyado sa pribadong sektor.

Pinamunuan ni Nograles ang pagpupulong ng komite noong Huwebes upang aprubahan ang unnumbered substitute bill ng panukalang “P200 Daily Across-the-Board Wage Increase Act,” at kasunod ang pakikipagpulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga opisyal ng iba’t ibang labor group sa bansa noong Martes.

Sakop ng panukala ang lahat ng employer sa pribadong sektor, kabilang ang agricultural o non-agricultural, at gaano man kalaki ang kapitalisasyon at bilang ng mga empleyado.

Ang mga employer na hindi susunod ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000 na may kaakibat na dalawa hanggang apat na taon na pagkakakulong.

Pagbabayarin ng halagang doble ang employer sa hindi naibigay nito sa mga empleyado at hindi nangangahulugan na maaabsuwelto na ito sa kriminal na pananagutan

“The wage hike bill is a much-needed measure that could bring relief to millions of minimum wage workers across the whole country. Mas mahalaga po na tumindig tayo at magkaisa para tuluyan nang maisabatas ito kaysa nagaaway,” pahayag ni Nograles noong nakaraang Biyernes.

Inaprubahan ng komite ni Nograles ang committee report sa substitute bill na nagbibigay ng P200 mula sa inisyal na P150 na isinabatas sa kabuuan na pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

Nauna nang ipinaliwanag ni Nograles na kailangang kumonsulta ang komite sa iba’t ibang stakeholders, kaya ang pinalawig na panahon para sa pag-apruba ng panukalang batas.

Iniulat ng Philippine Statistics Authority noong nakaraang buwan na tumaas ang inflation sa 2.9 porsyento noong Disyembre, mas mataas kaysa sa 2.5 porsyento na naitala noong Nobyembre.

“Naniniwala po kami sa komite na mahalagang interbensyon ang wage hike dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Tugon po ito sa pagsumamo ng ating mga kababayang manggagawa ng suporta upang matustusan nila ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” paliwanag pa ni Nograles. (JOEL O. AMONGO)

7

Related posts

Leave a Comment