DAVAO City – Patuloy ang isinasagawang retrieval operation ng lokal na gobyerno ng Sto. Tomas sa Davao del Norte upang makuha ang apat na treasure hunters matapos malibing sa hinukay na lupa noong Agosto 30, 2020.
Ayon kay Vice Mayor Erick Stella ng nabanggit na bayan, hindi pa rin natatagpuan ang mga biktimang kinilalang sina Gerick Marquez, 23; Rustom Rancho, 18; Dindo Panares, 18, at Kyl Castanes, 18, na nalibing sa ilalim ng lupa na may lalim na 96 talampakan.
Dagdag ng bise alkalde, nilagyan ng backhoe ng mga puno ng niyog ang gilid ng hukay upang magsilbing suporta para hindi muling tumabon ang nakubkob na lupa dahil aabot na sa 30 talampakan ang lalim nito.
Sinabi ng Incident Management Team (IMT) at Engineering Team ng bayan na nanguna sa patuloy na retrieval operation, nangangailangan pa ng 30 puno ng niyog upang magiging matatag ang lupa.
Ngunit sinabi ni Estella na mayroon pang mga residente na nag-donate ng mga puno na magagamit sa operasyon.
Ibinunyag din nito na maaring sasampahan ng kaso ang mga taong nasa likod o nag-finance sa nasabing treasure hunting.
Bagama’t inihanda na ang kaso, nilinaw ni Stella na uunahin nila ang pag-aasikaso sa pagkuha sa katawan ng apat na treasure hunters na nalibing sa hukay. (DONDON DINOY)
156
