UMALMA si Pasig City Mayor Vico Sotto sa ginawang marahas na pagbuwag ng Regent Foods Corporation (RFC) sa 23 katao na nagsagawa ng piket sa kanilang pabrika sa nasabing siyudad.
‘Hindi sila mga kriminal’, ito ang sinabi ni Mayor Vico sa management ng RFC.
Hindi n’yo pwedeng itulad si Mayor Vico sa ibang alkalde ng bansa na kumakampi sa mga may pera.
Sa pangalan pa lang Vico, ibig sabihin sweet magmahal ang batam-batang alkalde ng Pasig.
May pinagmanahan si Mayor, ‘di po ba, bossing?
Sinabihan ng alkalde ang management ng RFC na iatras ang kaso laban sa 20 manggagawa.
Ang pahayag ni Mayor Sotto ay sa pamamagitan ng kanyang Facebook account.
Sinagot naman ng RFC management na ang piket ng kanilang mga manggagawa na nagsimula noong Oktubre 16 ay hindi lehitimo at hindi tahimik. Hanggang sa marahas itong binuwag ng mga guwardiya ng pabrika noong Nobyembre 9.
Iisa lamang ang ibig sabihin, naawa si Mayor Vico sa mga manggagawa sa ginawang marahas na dispersal.
Alegasyon ng RFC, humingi raw sila ng tulong kay Mayor Vico pero hindi raw inaksyunan kaya kumuha sila ng private security agency.
Hindi natin alam kung nakarating kay Mayor ‘yung sinasabi ng RFC o ayaw niya lang talaga na magamit ang mga pulis laban sa mga manggagawa ng pabrika.
Kung nagkataon ay nabatikos na naman ang mga pulis dahil naging marahas ang dispersal sa mga manggagawa.
Ang malaking katanungan ngayon, kung bakit nag-piket ang inyong mga manggagawa?
Siyempre sa usapin ng benepisyo ‘yan.
‘Yan ang dapat silipin ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamumuno ni Sec. Silvestre Bello.
Hindi na kailangan pang humantong sa sakitan, dapat inupuan n’yo yan.
Mas mabuting napag-uusapan ang problema para napipigilan ang sigalot sa pagitan ng management at mga manggagawa.
Tandaan n’yo po, laging nasa huli ang pagsisisi. Huwag n’yo pong ipaubaya sa ibang tao ang problema n’yo.
Hindi po makareresolba sa problema ng piket ng mga manggagawa sa pagkuha ng bubuwag sa kanila.
Pwede n’yo pong ipatawag ang kanilang lider at pag-usapan n’yo.
Kung ano’ng napag-usapan, ilagay sa papel at sundin ang napagkasunduan, tapos ang problema.
May punto po si Mayor Vico na ipagtanggol n’ya ang mga manggagawa sa RFC dahil siya po ang ama ng Pasig.
Sana naman po, roon sa ipinagtatanggol ni Mayor, ‘wag tayong umabuso.
Ilang linggo na lamang ay Pasko na, magmahalan po tayo.
oOo
Para suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com//operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)
