RIDER SUGATAN, ANAK PATAY SA TRAILER TRUCK

DEAD on the spot ang isang 30-anyos na babae habang ang ama nito ay sugatan, matapos masagi ng trailer truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa panulukan ng Mel Lopez Boulevard at Matimtiman St., Tondo, Manila noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang namatay na si Ann Regilyn Paypon y Salandanan, marketing assistant, may asawa, ng #304 San Ignacio St., Tondo.

Habang sugatan naman ang kanyang ama na si Nilo Paypon, 53, ng nasabi ring lugar.

Samantala, dahil sa takot na baka makuyog ng mga tambay, mabilis na tumakas ang driver ng trailer truck at iniwan ang mga biktima.

Batay sa ulat na nakarating kay P/Capt. Rommel Gonzales, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Investigation Unit, bandang 6:10 ng gabi nang itawag sa kanilang tanggapan ang hinggil sa insidente.

Agad nagresponde si Pat. Rustom Arcyll De Guzman, may hawak ng kaso.

Napag-alaman, nangyari ang insidente bandang alas-5:42 ng hapon habang binabaybay nang mag-ama ang northward lane ng Mel Lopez Blvd. ngunit pagsapit sa Matimtiman St. ay nasagi ang unahang bahagi ng motorsiklo ng trailer truck.

Bunsod nito, nawalan ng kontrol ang rider kaya ito nahulog sa motorsiklo habang napailalim naman sa gulong ng trailer truck ang anak nito na naging sanhi ng agarang kamatayan ni Ann Regilyn.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property ang driver ng trailer truck na kasalukuyang hinahanap ng mga awtoridad. (RENE CRISOSTOMO)

188

Related posts

Leave a Comment