NAGPAHAYAG ng pangamba si Congressman Terry Ridon matapos lumabas ang ulat ng umano’y pagbabanta ni Julie “Dondon” Patidongan laban sa TV-5 reporter na si Gary de Leon, na nagko-cover ng kaso ng mga nawawalang sabungero. Sa viral na recording ng kanilang pag-uusap, maririnig umano si Patidongan na sinasabing “ingatan ang buhay” ni de Leon matapos itong akusahan ng pagiging “bias at bayaran.”
Ayon kay Ridon, ang anomang banta laban sa isang mamamahayag ay banta rin laban sa katotohanan, kaya’t hindi dapat palampasin ng Kongreso ang ganitong uri ng pananakot. Iginiit niya na press freedom ang nakataya sa insidenteng ito.
Nauna nang kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang banta at iniulat ito sa Presidential Task Force on Media Security (PTFMS), na nangakong magsasagawa ng imbestigasyon.
Ani Ridon, “ang trabaho ng media ay magsiwalat ng totoo, lalo na sa mga kasong kumplikado at sensitibo. Hindi sila ang dapat tinatakot—kundi ang mga nagtatangkang magtago ng katotohanan.” Dagdag pa niya, mistulang normal kay Patidongan na magbanta sa isang mamamahayag kahit miyembro ito ng tinatawag na “fourth estate,” kaya nag-alala ang ilang kasamahan ni de Leon sa kanyang kaligtasan.
(PAOLO SANTOS)
105
