RIZAL LGUs UMAARAY SA KAPOS NA BAKUNA

NANAWAGAN ang mga lokal pamahalaan ng mga bayan ng Taytay, Angono at Binangonan sa Department of Health para sa karagdagang bakuna dahil malayo anila sa aktuwal na bilang ng mga naka-iskedyul ang dumarating na suplay.

Ito din anila ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay maliit na bahagi pa lamang ng kanilang populasyon ang bakunado.

Sa pinag-isang pahayag, hiniling nina Mayor Joric Gacula ng Taytay, Jeri Mae Calderon ng Angono at Cesar Ynares ng Binangonan sa DOH ay pagbatayan ang social acceptability ng mga LGUs sa pamamahagi ng suplay para anila maiwasan ang pagkatengga at kalauna’y pagkasayang nito.

Ani Gacula, halos araw-araw silang nakikiusap sa DOH na dagdagan ang alokasyon para sa Taytay subalit laking gulat niyang 3,000 doses lamang ang dumating para sa kanilang 400,000 populasyong nangangailangan ng 800,000 doses.

Base sa 2020 Census Report ng Philippine Statistics Authority, pangalawa ang Taytay sa pinakamalalaking munisipalidad sa buong Pilipinas batay sa populasyon.

Ayon naman kay Mayor Calderon ng Angono, dapat aniyang dagdagan ng kagawaran ang alokasyon ng mga baying may mataas na social acceptability ng bakuna tulad ng Angono kung saan madaling maaabot ang herd immunity sa local level. Sa pinakahuling tala, 2,000 doses lang ang natanggap ng baying higit na kilala bilang Arts Capital of the Philippines.

Sa pahayag naman ni Mayor Ynares ng Binangonan, lubha silang nalulungkot na paudlot-udlot ang bakunahan sa kanilang bayan dahil wala nang maiturok ang kanilang mga local vaccinators. Batay sa datos ng DOH regional office, ang Binangonan ay nakatanggap lamang ng 3,000 doses, o katumbas ng 1% ng kanilang populasyon.

Una nang nanawagan ang League of Municipalities of the Philippines – Rizal Provincial Chapter kay DOH regional director Dr. Eduardo C. Janairo para sa karagdagang bakuna na naaayon sa populasyon at social acceptability ng bakuna ng mga lokalidad. (FERNAN ANGELES)

126

Related posts

Leave a Comment