ROLETA NG KATANUNGAN

TULAD ng roleta, hindi masapol ng Department of Health (DOH) ang puwang na tugon sa problema ng kakulangan ng mga health care worker sa bansa. At tulad ng roleta, patuloy ang walang katapusang ikot ng gulong na katiting ang posibilidad na huminto ang kapalaran sa tinatarget na jackpot.

O sadyang pinaiikot at nililito lang ng ahensiya ang mga nasa medikal na propesyon at trabaho para takpan ang walang kakayahang bigyan ng lunas ang kalagayan ng mga health care worker sa bansa. Kung ganito nang ganito ang pag-iwas na puntiryahin ang tunay na puwang ng solusyon ay hindi mareresolba ang gustong lapatan ng remedyo.

Sinopla ng grupo ng mga nurse ang DOH sa pahayag ng ahensya na aabot pa ng 12 taon bago masolusyunan ng pamahalaan ang kakulangan ng mga nurse sa bansa.

Nauna nang sinabi ng DOH na aabot pa ng mula 12 hanggang 23 taon bago mapunan ng gobyerno ang kakulangan ng mga nurse at doktor. Kailangan ng bansa ng ka­ragdagang 178,000 nurses at 114,000 doktor.

Sa record ng DOH, mayroong 44,602 doktor at 178,629 nurses na nagtatrabaho sa bansa, at malaki ang distansya nito sa datos ng Professional Regulatory Commission na may 95,000 lisensyadong doktor at 509,000 nurses sa bansa.

Sa tantiyahan at kalkula ba ang tugon sa problema kung bakit kulang ang mga health worker sa bansa?

Ayon sa mga nurse, walang shortage ng nurse, at ito ay sapantaha lamang bunga ng understaffing ng pamalaan.

Sa kanilang unity march, nanawagan ang mga ito ng seguridad sa trabaho, mataas na sahod, at mass hiring sa health care facilities.

Dahil sa pinupunto nilang kahilingan na hindi maibigay ng gobyerno, ay maraming nurse at doktor ang hindi nagtatrabaho at ang iba ay piniling magtrabaho sa ibang industriya na malayo sa kanilang propesyon.

Marami umanong plantilla positions sa DOH kaya dapat mag-hire ng mga walang trabahong nurse.

Simple lang naman ang solusyon at hindi na kailangang umabot ng 12 taon bago malapatan ng solusyon ang problema.

Nasa harap na mismo ng nasa gobyerno ang tugon sa matagal nang problema sa sektor ng kalusugan, ngunit may piring ang mga mata at barado ang kaisipan kaya patuloy ang ikot ng gulong ng roleta ng katanungan.

Ang problema ay kakulangan ng hakbang ng pamahalaan para sa seguridad ng trabaho at recruitment of licensed nurses. At higit sa lahat, ang mataas na suweldo, benepisyo at kondisyon sa trabaho.

Kung hindi maganda ang trato ng gobyerno sa mga nurse at doktor, ang problema ay iikot nang matagal at walang hahantungang wakas.

Sa baka sakali na lang aasa? Ang roleta ng katanungan ay dapat nang huminto sa puwang na tamang solusyon ang nakamarka.

151

Related posts

Leave a Comment