(BERNARD TAGUINOD)
“BIGGEST joke of the century.”
Ganito binansagan ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang kumakalat na balitang posibleng maging state witness si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects ng gobyerno.
Bago pa man humarap si Romualdez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kahapon, lumabas ang impormasyon na nagsasabing mula umano sa Leyte — kung saan kongresista ang dating Speaker — ang ikinokonsiderang state witness, batay sa pahayag daw ni Ombudsman Boying Remulla.
Agad naman itong pinabulaanan ng tanggapan ni Remulla, at iginiit na fake news ang naturang ulat. Nilinaw ng opisina na bagama’t may pinag-aaralang maging state witness, hindi nito kailanman sinabi na mula ito sa Leyte.
Gayunman, hindi kumbinsido si Rep. Duterte sa paliwanag at matindi ang naging banat niya.
“How does that even work? You’ll betray the President, your own nephew, and your loyal allies?
Or will you just invent another story to divert attention and save yourselves? This is starting to sound like a bad comedy series,” ani Polong.
Si Romualdez ang Speaker noong ipasa ang 2025 General Appropriations Act (GAA) — na tinaguriang isa sa pinaka-corrupt na national budget dahil umano sa malalaking insertions sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Lalo pang nadawit ang pangalan ni Romualdez matapos lumutang sa Senate Blue Ribbon Committee ang isang testigo, si Orly Guteza, na nagpakilalang dating security detail ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co. Ayon kay Guteza, tatlong beses umano siyang nag-deliver ng male-maletang pera sa bahay ng Leyte solon sa Forbes Park, mula sa kanyang dating amo.
Dagdag pa ni Polong, “Don’t take us for fools. The very person who spread around billions in flood-control projects now wants to play the role of a witness? That’s like a crocodile volunteering to testify against other crocodiles — but only after they’ve finished eating off the river.”
Tinabla rin sa Senado
Hindi lang si Duterte ang umalma sa balita kundi maging si Senador Imee Marcos.
Ipinaalala ni Marcos na malinaw ang mga requirement sa pagiging state witness na dapat ay hindi ang most guilty.
Kasabay nito, pinagdudahan ni Marcos na magiging makatotohanan ang laman ng Statement of Assets and Liabilities Net Worth o SALN na handang ilabas ni Romualdez.
Sinabi ni Marcos na walang problema sa paglalabas ng SALN subalit ang tanong ay kung totoong ‘yun lamang ang kanyang kayamanan.
Nagbabala rin ang senadora na posibleng panibagong script na naman ang ilalabas ng pinsang si Romualdez sa pangako nitong tell all sa Independent Commission on Infrastructure.
Itinulad pa ni Marcos sa Koreanovela ang sitwasyon na palagi anyang may twist sa istorya.
(DANG SAMSON-GARCIA)
