RPMD SURVEY: TIWALA KAY MARCOS MATAAS PA RIN

SA isang press briefing sa Bonifacio Global City, inihayag ni Dr. Paul Martinez, Global Affairs Analyst at Executive Director ng RPMD Foundation Inc., ang pinakabagong resulta ng “Boses ng Bayan” nationwide survey para sa ikatlong kwarter ng 2025 na isinagawa noong Setyembre 5–10.
Batay sa ulat, patuloy na nakapagtatamo ng matatag at malawak na tiwala ng publiko si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Nakapagtala siya ng 72% trust rating, tumaas ng dalawang puntos, at 70% approval rating, na nagbigay ng Index of Governance (IOG) score na 71%. Ipinaliwanag ni Dr. Martinez na ang IOG ay isang bagong sukatan na ipinakilala ng RPMD na pinagsasama ang trust at approval ratings upang magbigay ng mas malinaw na larawan ng kredibilidad at pagganap ng mga lider ng bansa.
Samantala, nagtala si Pangalawang Pangulo Sara Duterte ng 57% IOG (58% trust, 56% approval), bahagyang bumaba mula sa nakaraang survey. Si Senate President Francis Escudero naman ay nakakuha ng 51.5% IOG (53% trust, 50% approval), na nagtala rin ng pagbaba.
Lumalabas din sa survey na nakapagtamo ng malakas na pag-angat sa tiwala ng publiko si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Nakakuha siya ng 62% trust rating (tumaas ng dalawang puntos) at 65% approval rating (tumaas ng tatlong puntos), na nagtulak sa kanyang IOG score sa 63.5%. Ayon sa RPMD, patunay ito ng lalo pang tumitibay na presensya at impluwensiya ni Romualdez bilang pinuno ng Mababang Kapulungan at ng kanyang lumalalim na koneksyon sa sambayanan.
Kasama rin sa survey ang mga miyembro ng Gabinete, kung saan nanguna si Social Welfare Sec. Rex Gatchalian (DSWD) na may 90.5% IOG (trust 89%, approval 92%). Kapwa pumangalawa sina Budget Sec. Amenah Pangandaman (DBM) na may 88% IOG (trust 86%, approval 90%) at Tourism Sec. Christina Garcia Frasco (DOT) na may 87% IOG (trust 85%, approval 89%). Pumangatlo si Education Sec. Sonny Angara (DepEd) na may 84% IOG (trust 83%, approval 85%), sinundan ni Finance Sec. Ralph Recto (DOF) na may 82.5% IOG (trust 82%, approval 83%), at ni Defense Sec. Gilberto Teodoro (DND) na may 80% IOG (trust 80%, approval 80%).
Ayon sa RPMD, ang survey ay independent at non-commissioned, at isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 3,200 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mayroon itong 99% confidence level at ±2% margin of error, na nagbibigay ng mataas na antas ng kredibilidad sa mga resulta.

35

Related posts

Leave a Comment