GOITIA: HINDI MAIPAGBIBILI DIWA NG PILIPINO

IGINIIT ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na hindi kailanman maaaring ipagpalit ang soberanya ng Pilipinas, kasabay ng pagsuporta sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa pagtatanggol ng bansa laban sa anumang banta sa karagatan at teritoryo.

“Makatotohanan ang naging pahayag ng Pangulo. Ang soberanya ay hindi paksa ng debate. Hindi ito maaaring ipagpalit o ipagbili,” ayon kay Goitia.

Binigyang-diin niya na ang laban para sa soberanya ay hindi teorya kundi may direktang epekto sa kinabukasan ng mga Pilipino, partikular sa kabuhayan ng mga mangingisda at kaligtasan ng karagatan. Aniya, anumang pagpapabaya ay hindi lamang pagkawala ng teritoryo kundi pati ng dangal bilang Pilipino.

Kasabay nito, hinimok ni Goitia ang pagkakaisa ng sambayanan upang suportahan ang mga sundalo, mangingisda, at mga pinunong nagtatanggol sa bansa.

Binigyang pansin din ni Goitia ang dokumentaryong Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea na aniya’y nagpapakita ng tunay na kalagayan ng mga mangingisdang Pilipino at ang pang-aabuso ng mga banyaga. Dagdag pa niya, kasalukuyang ginagawa ang isa pang pelikula ng Blessed Movement sa pamumuno ni Chairman Herbert Martinez na tumatalakay sa pang-araw-araw na pakikibaka sa West Philippine Sea at sa tagumpay ng Pilipinas sa UNCLOS arbitral ruling.

Samantala, kinondena ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año ang deklarasyon ng China na gawing “nature reserve” ang Bajo de Masinloc. Aniya, malinaw itong paglabag sa UNCLOS, sa 2016 Arbitral Award, at sa 2022 Declaration on the Conduct of Parties. Buo rin ang suporta ng National Security Council (NSC) sa diplomatic protest na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA).

“Ang ating mga dagat ay atin, ayon sa batas, kasaysayan, at sakripisyo. Hindi tayo kailanman susuko at hindi patatahimikin,” pagtatapos ni Goitia.

Si Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

(JULIET PACOT)

155

Related posts

Leave a Comment