Sa botong 186-0, Velasco itinalagang bagong Speaker CAYETANO SINIPA SA HOUSE

SINIPA bilang Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa session ng grupo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City kahapon (Lunes).

Sa motion ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza, unang binakante ang Speaker position sa Kamara na idinaan sa nominal voting at idineklara ng presiding Speaker na si Abono party-list Rep. Conrado Estrella at inayunan ng 186 congressmen.

“With 186 voting in affirmative, the chair declare the speaker position vacant,” ani Estrella matapos mag-roll call ang iniluklok na Secretary General na si Atty. Honey Sipin, chief of staff ni Velasco.

Agad namang nagpatawag ang tumayong Majority Leader na si Pampanga Rep. Rimpy Bondoc na mag-nominate ng Speaker at ninomina nina 1PACMAN party-list Rep. Mikee Romero, Rizal Rep. Jack Duavit at Oriental Rep. Doy Leachon si Velasco.

Muling nagkaroon ng botohan para iluklok si Velasco bilang bagong Speaker kung saan 186 din ang bumoto rito para pamunuan ang mababang kapulungan sa nalalabing 21 buwan ng 18th Congress.

Isinagawa ang session sa gitna ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin muna ang 2021 national budget at isang araw bago simulan ang apat na special session.

“Today, history is made once again in these august halls, at ako po, inyong abang lingkod, Lord Allan Jay Velasco, ay taus-pusong tumatanggap sa hamon na maging Speaker ng Camara de Representantes. I accept this once in a lifetime challenge to serve as Speaker of the House of Representatives of the 18th Congress. To my fellow Filipinos, I will not let you down. You have my word,” ani Velasco sa kanyang acceptance speech.

Inamin ni Velasco na hindi madali ang kanyang pinagdaanan kaya pinasalamatan nito ang mga kasamahan sa Kamara na nagluklok sa kanya sa Speakership at maging si Pangulong Rodrigo Duterte.

Higit sa lahat, ako’y nagpapasalamat sa ating mahal na Pangulo,—a man of his word—may isang salita, sa mabuting halimbawa and for inspiring young government servants like me na hindi hadlang ang pagiging probinsyano para tayo ay makapag serbisyo… that a young probinsyano congressman from a small province like Marinduque can be elected Speaker of the House of

Representatives… this can only happen in the age of Duterte when anything is possible for the benefit of the Filipino people,” dagdag pa nito.

 

Nalagay sa alanganin

Kaugnay nito, lalong nalagay sa alanganin ang 2021 national budget dahil sa dalawang liderato ngayon sa Kamara na nabigong pagkaisahin ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang pinangangambahan ng oposisyon sa Kamara matapos suwayin umano ng kampo ni Velasco ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isantabi muna ang pulitika para maipasa nang matiwasay ang P4.506 trillion pondo para sa susunod na taon.

Sa virtual press conference ng minority bloc na pinamumunuan ni Minority leader Bienvenido Abante, nangangamba ang mga ito na makaapekto sa pagpapatibay ng pambansang pondo ang dalawang liderato ngayon sa Kamara.

“Pag talaga magkaroon ng leadership tussle dito bago ang special session bukas, that have necessarily have impact on the next four days,” pahayag ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun.

Tiyak umanong hindi kikilalanin ng kampo nina Cayetano at Velasco ang isa’t isa na posibleng ang magiging collateral ay ang pambansang pondo.

Sinabi naman ni House deputy minority leader Janette Garin na kahit maipasa sa ikatlong pagbasa ang pambansang pondo ay hindi pa tapos ang problema sa pambansang pondo dahil mayroon pang Bicam.

“Sino ang magre-represent sa Bicam? Dapat yung nakakaalam at hands-on sa budget sa simula pa lang,” ayon pa kay Garin.

Mistulang nagbabala naman si Cayetano na walang problema sa budget kung hindi makikipag-agawan ang kampo ni Velasco sa pagpe-preside sa session ngayong araw.

“If they come in peace and allow us to do the budget, wala tayong problema. If they come makikipag-agawan sila ng ano…” ang hindi na itinuloy na pahayag ni Cayetano.

“I am constitutionaly bound to preside,” dagdag pa nito at kahit mag-resign umano ito ay hindi pa rin puwedeng maging Speaker si Velasco dahil ang papalit sa kanya ay isa sa mga deputy speaker.

 

Bibigyan ng pwesto

Samantala, bibigyan umano ni Velasco ng puwesto si Cayetano.

Ginawa ni Velasco ang nasabing pahayag sa pagharap nito sa mga mamamahayag matapos itong ihalal ng 186 congressmen bilang bagong Speaker ng mababang kapulungan.

“Depends on what position he would want. Maybe one of my deputy speakers,” ani Velasco nang tanungin kung bibigyan nito ng puwesto si Cayetano sa kanyang liderato.

Layon umano nito na masimulan agad ang healing process upang makapagsimula sa trabaho ang kanyang administrasyon kung saan unang aasikasuhin aniya ay ang 2021 national budget.

“We want to put out a parang healing hand to former Speaker Cayetano. Let’s stop all this. Nagsalita na po ang mayorya ng Kongreso. We are asking him to step down quietly, peacefully nang sa gayon eh maumpisahan na po namin ang pagdinig sa 2021 budget tomorrow,” ani Velasco.

Si Velasco ay binigyan ng chairmanship sa Committee on energy sa administrasyon ni Cayetano.

Wala pang sagot si Cayetano sa offer na ito ni Velasco subalit nanindigan ito na ilegal umano ang pagluklok sa Marinduque solon sa Speakership na kahit aniya Malacanang at Korte Suprema ay posibleng hindi siya kilalanin bilang Speaker. (BERNARD TAGUINOD)

259

Related posts

Leave a Comment