Sa hamong drug test BASTE, MAUNA KA – SOLON

KUNG may unang dapat sumailalim sa drug test ay si Davao City acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte kasama ang lahat ng mga empleyado ng city hall bago ito maghamon ng hair follicle drug testing sa lahat ng halal na opisyales ng gobyerno, ayon sa isang mambabatas sa Kamara.

“You want to talk about accountability? Then lead by example. Drug testing should begin in Davao City, and the results should be made public. That includes the mayor himself,” hamon ni Manila Rep. Joel Chua kay Duterte.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil matapos tanggapin ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre ang hamon ni Duterte na suntukan ay nagbigay ito ng kondisyon na papatulan nila ang charity match kung kakausapin ng PNP chief si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na iutos na sumailalim ang lahat ng elected officials sa hair follicle test.

Samantala, tulad ng inaasahan, hindi sinipot ni Duterte ang boxing charity match kay Torre sa Rizal Memorial Coliseum na dinagsa ng mga tao kahapon.

Inayunan naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun si Rep. Chua dahil noong nakaraang taon, 37 empleyado ng Davao City Hall ang nagpositibo sa paggamit sa ilegal na droga kaya wala umanong karapatan si Duterte na maghamon habang maraming adik sa kanilang lungsod.

“Ginawa niyong modelo ang Davao sa kampanya kontra droga, pero mismong sa inyo, may mga empleyadong napatunayang gumagamit ng illegal na droga. Saan napunta ang sinasabi ninyong tagumpay?” ani Khonghun.

Noong panahon ng ama ni Duterte na si dating pangulong Rodrigo Duterte ay umaabot umano sa 30,000 katao ang napatay sa giyera kontra droga kung saan karamihan sa mga ito ay biktima ng extrajudicial killings na sinasabing ginawa ng mga pulis.

Dahil dito, nahaharap ngayon si Digong sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), kung saan siya kasalukuyang nakakulong at lilitisin. (BERNARD TAGUINOD)

125

Related posts

Leave a Comment