UMULAN man o bumagyo ay tuloy ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ngayong hapon, July 28, 2025 na gaganapin sa Batasan Pambansa, Quezon City.
Mula noong Huwebes ay pinaigting ang seguridad sa loob at labas ng Batasan Pambansa Complex ng pinagsanib na pwersa ng Presidential Security Group (PSG) katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Inanunsyo ng pamunuan ng Kamara na hindi papasukin ngayong araw ang mga walang SONA ID kung saan dadaan sa mahigpit na security measures ang mga papasok, hindi lamang sa gate kundi maging sa pagpasok sa main building ng Batasan kung saan isasagawa ang SONA ng Pangulo.
Inabisuhan ang mga bisita na dumating nang maaga at kailangang nasa loob na ang mga ito ng plenaryo ng Kamara bago mag-alas-tres ng hapon dahil isasara ito para sa pagdating ng Pangulo.
Bukod dito, kailangang simpleng barong tagalog at Filipiniana ang isuot ng mga mambabatas at kanilang mga asawa at maging ang mga inimbitahang bisita tulad ng mga miyembro ng Diplomatic corps.
Tulad ng inaasahan, hindi na inilatag ang red carpet para sa mga bisita matapos itong iutos umano ni Leyte Rep. Martin Romualdez bilang pakikiisa sa mga biktima ng mga bagyong Crising, Dante at Emong.
“These adjustments reflect our solidarity with affected communities and our commitment to uphold the dignity of this national gathering,” ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Ang tanging red carpet na hindi inalis ay ang nasa entrance ng session hall na maiksi lang kumpara sa tradisyonal na inilalatag sa North at South Wing lobby ng main building ng Batasan Pambansa.
“There will be no staged ceremonies, no fashion coverage, and no photo setups in the red carpet area,” ani House Spokesperson Atty. Princess Abante. (BERNARD TAGUINOD)
