Ni EDDIE ALINEA
SI WBA welterweight titlist Yordenis Ugas ng Cuba na ang makakaharap ni Filipino eight-division champion Manny Pacquiao, matapos umurong dahil sa injury (retinal tear) ang orihinal na kalabang si WBC at IBF champ Errol Spence Jr.
Dating hawak ni Pacquiao ang WBA super welterweight title ngunit binawi ng asosasyon sa fighting senator dahil sa ’inactivity’ o kawalan ng laban dulot ng COVID-19 pandemic.
Inapela ni Pacquiao na ibalik sa kanya ang WBA crown noong Mayo upang mapag-isa sana ang welterweight title sa laban nila ni Spence, subalit hindi pumayag ang asosasyon.
Dahil sa ‘di inaasahang pag-atras ni Spence, mapipilitan ang Pambansang Kamao na bawiin kay Ugas ang WBA title.
Unang nasungkit ni Pacquiao ang WBA welterweight title makaraang patulugin si Argentine Lucas Matthysse sa pitong round noong Hunyo 2018 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sunod na inagaw ng Pinoy champ ang WBA super welterweight belt ng walang talong si Keith Thurman noong Hulyo 2019 sa Las Vegas, Nevada.
Napanalunan naman ni Ugas ang bakanteng WBA regular welterweight belt laban kay Abel Ramos noong Setyembre 2020.
At kahit replacement lang si Ugas, handa ang tinaguriang ‘Pacman’ na harapin siya.
“I have agreed to fight Yordenis Ugas on August 21 for the WBA welterweight super championship. The proper way and the only way to win a world title is inside the ring,” sabi na lamang ni Pacquiao.
182 