(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD
MAITUTURING pa ring mabagal ang pagbabakuna dahil hindi naabot ng pamahalaan ang target nitong tatlong milyong babakunahan kada araw.
Nabatid na umabot lang sa 8,014,751 ang mga nabakunahan sa ikinasang 3-day Bayanihan, Bakunahan.
Ngunit paglilinaw ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa Public briefing, ang higit 8 million recorded jabs ay “as of 6am” pa lamang ng Disyembre 3.
Hindi pa aniya pumapasok ang iba pang data lalo na na ang datos ng hanggang 6pm ng Disyembre 3 kaya’t madaragdagan pa ang naitalang record nito.
Aniya pa, ang day 3 ang pinaka-dinagsa sa tatlong araw na bakunahan kung saan ay pumalo sa 2.8 million ang nabigyan ng bakuna.
Pumangalawa naman aniya ang day 1 na mayroong 2.7 million jabs habang nasa 2. 4 million ang nabigyan ng bakuna sa ikalawang araw ng vaccination drive.
Sinasabing “top performing regions” ang Region 4A, Region 3 at pumangatlo ang region 7.
Tinatayang, 1/3 sa bilang ng mga nabakunahan ay pawang nagmula sa nabanggit na mga rehiyon.
Itinuturing namang top performing provinces ang Cebu, Negros Occidental at Cavite.
Dahil dito, muling magkakasa ng 3-Day National Vaccination drive sa Dec. 15 hanggang Dec. 17, 2021.
Ayon kay Department of Health Sec. Francisco Duque III sa interview ng RMN Manila, umaasa silang mas bibilis na ang pagbabakuna at makakamit din ang 3 milyong target kada araw dahil
nakita na nila ang mga problema kung bakit bumagal ang bakunahan sa unang nationwide vaccine drive noong Nov. 29 hanggang Dec. 1.
Samantala, nababagalan din ang isang kongresista dahil mula aniya noong Marso nang simulan ang bakuhanan kontra COVID-19 ay mahigit 35 million pa lamang ang fully vaccinated.
“Talagang mabagal ang vaccination rollout,” ani ACT party-list Rep. France Castro kaya aniya marahil gustong magpatupad ng ‘no jab, no job’ policy ang gobyerno para takpan ang kanilang kapabayaan.
Ayon sa mambabatas, maging sa rehiyon ng Davao kung saan galing si Pangulong Rodrigo Duterte ay 16.08% pa lamang umano ng mga populasyon ang nababakunahan.
Mistula ring pinasinungalingan ng mambabatas ang deklarasyon ng DOH na kabilang sa ‘top performers’ ang Region 3 o Central Luzon na aniya’y 31% pa lamang ang nabakunahan maging ang Region 4-A o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ay 35.9 pa lamang ang fully vaccinated.
“Yung iba pang region ay 20 to 25% yung nabakunahan. So ang rollout ng vaccination, kakulangan ng vaccination. Huwag isisi sa manggagawa. Ginagawa nilang scapegoat ang mga manggagawa,” ayon pa sa mambabatas.
Kung meron umanong dapat sisihin kung bakit mabagal ang bakunahan ay ang mismong gobyerno dahil sa simula pa lamang ay hindi nito pinaigting ang information campaign para sa COVID-19 vaccine.
Sinabi naman ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na imposibleng makamit ng gobyerno ang target na 70 hanggang 80% sa mga Pilipino na mabakunahan bago matapos ang taon dahil sa bagal na vaccine rollout.
Desperado na umano ang gobyerno kaya naglabas ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) na kailangang bakunado ang mga manggagawa bago sila bumalik sa trabaho at kung hindi ay kailangan nilang sumailalim sa regular na RT-PCR test, bagay na pinalagan ng House committee on labor.
