Sa ikinasang operasyon ng PNP-PRO5 MAG-AMANG NPA SUPPORTER, RAPE SUSPECT TIMBOG

ARESTADO ang mag-amang supporter umano ng komunistang New People’s Army sa probinsya ng Masbate matapos makumpiskahan ng hindi lisensyadong baril at pasabog sa magkahiwalay na law enforcement operation ng mga tauhan ng PNP Police Regional Office 5 noong Sabado ng umaga.

Ayon sa ulat, dakong alas-5:37 ng umaga, ipinatupad ng pinagsamang pwersa ng Esperanza MPS; Masbate PECU; 1ST PMFC; PIU Masbate PPO; at Masbate 2nd PMFC, 3rd Maneuver Platoon ang search warrant operation sa bahay ng inakusahang NPA supporters sa Sitio Harapay, Brgy. Villa, Esperanza, Masbate.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na ibinaba ng RTC, Branch 49, 5th Judicial Region, Cataingan, Masbate noong Hulyo 22, 2021 laban sa 65-anyos na magsasakang si Prudencio Borado Sr. y Rosales.

Nakuha sa suspek ang isang .45 kalibreng pistola na kargado ng limang bala at isang gun holster.

Habang alas-5:40 ng umaga naman nang isilbi ang isa pang search warrant laban sa anak nitong si Prudencio Borado Jr. y Saraga, 26, binata, isang casual employee ng LGU Esperanza.

Nakuha sa pag-iingat nito ang isang kalibre .45 pistola na kargado rin ng limang bala, isang granada, at isang gun holster.

Ang dalawa ay sinasabing kapwa masugid na kapanalig ng Militia ng Bayan (MB), sa ilalim ng Rogelio Suson, alyas “Manong” Command.

Pinuri naman ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director ng PNP-PRO5, ang maagap na pagkilos ng pulisya ng Bicol na nagresulta sa pagkakakumpiska sa baril at bala na maaaring maging mitsa ng kriminalidad sa rehiyon.

“Makakaasa ang mga Bicolano na ang PNP Bicol ay palaging nakaalerto upang gawin ang tungkulin nitong magsilbi sa ating mga kababayan. Kaisa ang mamamayan, patuloy natin paiigtingin ang ating mga programa patungo sa pagkamit ng isang ligtas na pamayanan,” dagdag ni RD Estomo.

Samantala, winakasan ng mga tauhan ng PNP Police Regional Office 5 ang 14 na taong pag-iwas sa batas ng isang lalaking inakusahang gumahasa sa 10-anyos na batang babae sa Camarines Sur.

Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo mula sa Camarines Sur Police Provincial Office, kinilala ang 72-anyos na suspek na inaresto sa inilunsad na law enforcement operation na si Ruben Rivera y Navarro, residente sa Barangay La Purisima sa bayan ng Siruma.

Sa bisa ng warrant of arrest ay sinunggaban ng mga pulis ang suspek sa panghahalay sa 10-anyos na batang babae noong 2007, sa isinagawang manhunt operation ng tracker team ng Siruma MPS katuwang ang Camarines Sur 2nd PMFC sa Brgy. La Purisima, Siruma, Camarines Sur.

Si Rivera ay hinuli sa bisa ng mandamiento de aresto na inilabas ng RTC Branch 63, Calabanga, Camarines Sur noong Nobyembre 20, 2007.

“Magtago man kayo nang matagal, darating pa rin ang panahon na ang PNP Bicol ay kakatok sa inyong mga pintuan upang iharap sa inyo ang pananagutang dapat ninyong harapin. ‘Di ang pagtatago ang solusyon sa inyong pagkakasala, hangga’t kayo ay malaya ay kaaway kayong maituturing ng ating batas, isang wanted at ‘di dapat tularan ng sino man,” ayon kay P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

261

Related posts

Leave a Comment