HINILING ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa Department of Education na gamitin ang telebisyon sa pagtuturo ng mahihirap o kumplikadong aralin kahit mas maraming gumagamit ng self-learning modules (SLMs) sa distant learning.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kanyang natuklasan sa paglilibot sa ilang kabahayan sa Valenuzuela City sa pagbubukas ng klase, na ang ilang aralin sa SLMs ay masyadong kumplikado at nangangailangan ng gabay ng isang guro.
Inihalimbawa ng senador, dating alkalde ng Valenzuela City, ang aralin sa math subject na ginagamit ng tahasang computation kaya malaki ang maitutulong dito ng mga video upang mas malinaw na maipaliwanag ng guro ang tamang sagot sa tanong.
“Tinignan ko ang mga module. Yung ibang mga subject tulad ng geometry o trigonometry, masyadong kumplikado. Nakita ko na andaming mga computations. Mahihirapan ang isang pangkaraniwang mag-aaral na maunawaan ito agad. Dito papasok ang telebisyon o kaya ay radyo. Dahil may napapanood na video sa TV, mas madali sa mga bata na masundan o matutunan ang leksiyon,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Dahil sa mas maraming mag-aaral ang may telebisyon sa kani-kanilang bahay kaysa sa internet, sabi ng senador mas maraming batang maaabot ng telebisyon kung ito ang gagamitin sa distance learning.
Ayon sa pag-aaral ng global data firm na Dataxis, may halos labing-siyam (18.7) na milyong sambahayan ang may telebisyon.
Noong nakaraang Agosto, lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na may anim (6.3) na milyong sambahayan ang walang internet.
Inilunsad na ng DepEd ang DepEd TV na umeere ng mga K to 12 subjects mula Lunes hanggang Sabado simula alas-syete ng umaga hanggang alas-syete ng gabi.
Ang DepEd TV ay napapanood sa Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13), People’s Television Network (PTV-4), at iba pang himpilang nakipag-ugnayan sa DepEd.
Dagdag ng senador, mahalaga rin ang pakikipag-ugnayan ng mga lokal na pamahalaan sa mga lokal na istasyon ng telebisyon at radyo at pagpapalawig ng ganitong mga ugnayan para masigurong maaabot ang lahat ng mga bata sa mga komunidad.
Ngunit pinaalalahanan ng mambabatas ang DepEd na suriing mabuti ang mga pinalalabas nitong mga episode, lalo na’t nag-viral sa social media kamakailan ang pagkakamali sa isang leksyon sa Math. Agad namang humingi ng paumanhin ang DepEd at nangakong lalo pa nilang susuriin ang kanilang mga ipalalabas sa telebisyon.
Samantala, hinimok muli ni Gatchalian ang mga telecommunication companies na siguruhing maging maayos ang internet connectivity upang maiwasan ang mga problema sa online learning.
Ibinahagi niya ang Valenzuela Live Online Streaming School na gumagamit ng Facebook Live para sa pagtuturo.
Bagama’t umeere sa Facebook ang iba’t ibang mga aralin, sinabi ni Gatchalian na mayroon pa ring mga mag-aaral na hindi nakakapanood ng ibang leksiyon dahil sa problema sa internet. (ESTONG REYES)
266
