REQUIRED na ngayon ang mga mamamayang Pilipino na magsuot ng face mask at face shield kahit saan man sila magpunta o sa oras na lumabas na sila ng kanilang bahay.
Layon kasi ng pamahalaan na pabagalin ang pagkalat ng COVID-19 ngayong holiday season.
Ang anunsyong ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay matapos magpulong ang policy-making Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Matatandaang, ang ni-require lamang ng pamahalaan ay ang pagsusuot ng face shield sa loob ng establisimyento.
Samantala, hinikayat ng OCTA Research ang national at local governments na magtulungan para malimitahan ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng pagpapataas ng “testing, contact tracing, isolation and quarantine,” at implementasyon ng “small, targeted lockdowns para ma-contain ang “super-spreading events” sa komunidad.
Umapela rin ito sa publiko na iwasan ang matatao at enclosed areas at umiwas sa pagsali o pag-organisa ng social gatherings ngayong Christmas season. (CHRISTIAN DALE)
FACE-TO-FACE CLASSES
MULA ENERO 11 PINAPLANTSA NA
MAY ilang piling eskuwelahan sa mga lugar na nasa low risk para sa COVID-19 transmission ang magdaraos ng face-to-face classes mula Enero 11 hanggang 23, 2021.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang dry run ay imo-monitor ng Department of Education (DepEd) at COVID-19 National Task Force.
Ang huling linggo naman ng Enero ay ilalaan sa pagsusumite ng reports hinggil sa kinalabasan ng pilot face-to-face classes at ebalwasyon para sa final recommendation kay President Rodrigo Duterte.
Batay sa timeline na ibinigay ng DepEd, ang regional directors ay kailangan magsumite kay Education Secretary Leonor Briones ng listahan ng mga nominated school “on or before December 18.”
Si Sec. Briones ay pipili ng pilot schools sa December 28, na susundan ng orientation, mobilization at readiness confirmation ng mga mapipiling eskuwelahan.(CHRISTIAN DALE)
60 MILYONG PINOY
MAKIKINABANG SA COVID VACCINE
TINATAYANG aabot sa 60 milyong Pilipino ang libreng mabibigyan ng gobyerno ng bakuna laban sa COVID-19 sa sandaling dumating na ito sa bansa sa unang quarter ng susunod na taon.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, sa kanyang pagkakaalam ay para sa 60 milyong Pilipino ang free vaccine na inilalaan ng pamahalaan kabilang dito ang mga pulis at militar gayundin ang mga frontliner at mahihirap.
Aniya, prayoridad ang mga lugar sa tinaguriang epicenters gaya ng Metro Manila, Calabarzon, Cebu at Davao dahil dito aniya talagang matinding kumalat ang sakit.
Tiniyak naman ni Sec. Roque na mayroon ding mga mabibiling bakuna sa botika para sa mga may kakayahang makabili ng pangontrang vaccine sa virus. (CHRISTIAN DALE)
