NAGBABALA si Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa panganib hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa mga guro at iba pang tao kung tuluyan nang bubuksan ang mga eskwelahan.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng approval ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad na ang pilot implementation ng face-to-face classes sa mga low risk areas sa susunod na buwan.
“Pilot lang po yun, pinaaprubahan ito ng ating Secretary of Department of Education. Susubukan nila sa low risk area. Dapat with consent po ng local government units. may consent ng mag-aaral,” pahayag ni Go.
“Pero ako naman po personally, no vaccine, no face-to-face classes pa rin po kasi po pag may nagpositibo po dyan na isa, magsasara na naman ang eskwelahan, back to zero na naman po, back to square one, contact tracing na naman,” dagdag pa ng senador.
“Eh ilang buwan na lang naman po magsasara na ang eskwelahan, antayin na lang po natin ang vaccine para po unti-unti makapag-adjust na tayo makabalik na tayo sa normal nating pamumuhay,” pagpapatuloy pa ng mambabatas.
Duda rin ang senador na makakakuha ng consent ng mayorya ng mga magulang ang pagsasagawa ng pilot implementation.
“Kailangan ng consent ng magulang, sa tingin ninyo ba may mga magulang na magbibigay ng consent? So kukulangin pa rin ang klase. So kung halimbawa 50 sa classroom, ang magbibigay lang ng consent dalawa lang po o isa lang po o baka mas marami pa pong matakot na magbigay ng consent na papasukin ang kanilang mga anak,” diin nito.
“Siguro ho dapat pag-aralan muna, hindi naman sa ayaw ko o kumokontra ako sa proposal ng DepEd, dapat pag-aralan muna nating mabuti dahil nakataya dito ang buhay ng bawat bata at bawat Pilipino, hindi lang mga estudyante at kaguruan natin,” dagdag pa ni Go. (DANG SAMSON-GARCIA)
