Sa mga lugar na apektado ng TS Florita KLASE, TRABAHO SINUSPINDE

IDINEKLARA kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng trabaho at klase dulot ng masamang panahon.

Epektibo ang kanselasyon mula Martes, Agosto 23 hanggang ngayong Miyerkoles, Agosto 24 sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at pampublikong paaralan dahil sa matinding epekto ng Tropical Storm Florita.

“The heavy rains pose possible risks to the general public based on the recommendations of the Office of Civil Defense,” ang nakasaad sa kalatas na ipinalabas ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles.

Ang kahalintulad na hakbang para sa mga pribadong eskwelahan at tanggapan ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa diskresyon ng kanilang pinuno.

Nauna rito, inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Control (NDRRMC) kay Pangulong Marcos na suspendihin ang pasok sa trabaho at sa mga tanggapan ng pamahalaan sa National Capital Region (NCR) kabilang na sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales, at Bataan epektibo ala-1:00 ng hapon ng Martes.

Hindi naman kasama rito ang frontline agencies na nagbibigay ng emergency services.

Samantala, nagdeklara rin ng suspension ng klase ang ilang probinsya sa Eastern at Northern Luzon na apektado ng bagyo.

Sa report na nakarating sa Department of Education (DepEd), walang pasok ang mga lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Quezon Province at Aurora.

Nasa Tropical Cyclone Signal Number 1 ang mga nasabing probinsya.

Wala ring pasok ang mga lalawigan ng Isabela, Cagayan, Ilocos Region Benguet, Apayao, Abra, Apayao, Ifugao, Kalinga at La Union.

Sabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, nasa discretion na ng lokal na pamahalaan kung sususpendihin ang klase sa kanilang mga lugar lalo na kung nakararanas ng sama ng panahon.

(CHRISTIAN DALE/ENOCK ECHAGUE)

145

Related posts

Leave a Comment