HINDI hamak na mas mataas ang bilang ng mga pumanaw sa kanser kumpara sa mga taong namatay sa COVID-19, ayon sa isang kongresista, kasabay ng panawagang busisiin ang tulong pinansiyal ng pamahalaan sa mga Pinoy na cancer patients.
Batay sa umano’y datos na nakalap ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo, 92,000 sa 153,000 cancer patients – katumbas ng 252 cancer cases kada araw noong kasagsagan ng pandemya ang namatay dahil sa kapos kundi man walang natanggap na tulong mula sa pamahalaan.
Paglalarawan pa ng kongresista, hindi katanggap-tanggap ang patuloy na pagpanaw ng mga cancer patients sa kabila pa ng mga lunas na kalakip ng mga bagong diskubreng gamot at teknolohiya sa larangan ng medisina.
Hinanakit pa ni ni Salo, patuloy pang tumataas ang bilang ng pagpanaw ng cancer patients hanggang sa kasalukuyan.
Mula 2014 hanggang 2019, umaabot na umano sa 354, 398 ang namatay sa kanser sa kabila pa ng Cancer and Supportive-Palliative Medicines Access Program (CSPMAP) at Cancer Assistance Fund (CAF) sa ilalim ng National Integrated Cancer Control Program (NICCA).
“The main purpose of the NICCA is to greatly reduce mortality from preventable and treatable cancers and lessen out-of-pocket expenditures of patients and their families,” bulalas na Salo.
Sa ilalim ng 2022 national budget, P786.96 milyon ang ibinigay na pondo sa CSPMAP at P529.2 naman sa CAF para mabigyan ng financial assistance ang cancer patients.
“If the funds for this program are not utilized, the law would be useless, and more lives will be put at risk,” dagdag pa niya.
Sa isang pag-aaral noong 2012, 40% sa pamilyang may kaanak na cancer patient ang naghirap dahil sa malaking gastusing kalakip ng gamutan. (BERNARD TAGUINOD)
