Mga negosyante pinuri ni PBBM ‘BAYANIHAN SPIRIT’ SA SUPLAY NG ASUKAL

PINURI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang walang pag-iimbot na tugon ng mga negosyante na batid kung kailan ibababa ang kanilang dapat sana’y magiging tubo para sa kapakanan ng Filipino consumers na labis na naghihinagpis mula sa kamakailan lamang na pagtaas ng presyo ng asukal at iba pang pangunahing bilihin.

“This is a classic display of the Filipino spirit of ‘bayanihan’ and love of country. It is good to know that consumers are now enjoying the price-drop of sugar in the leading groceries and supermarkets,” ayon kay Pangulong Marcos.

Tapos na nga ang paghihirap ng mga ordinaryong mamimili ngayong bumaba na sa P70.00 kada kilo ang presyo ng asukal o retail price nito sa mga supermarket at groceries sa Kalakhang Maynila.

Pinagbigyan kasi ng mga nagmamay-ari ng supermarket at grocery chains ang request ni Pangulong Marcos Jr. na ibaba nila ang presyo ng asukal sa P70.00 mula sa P90-P110 kada kilo.

Matatandaang, pumayag ang malalaking supermarkets sa bansa na ibaba ang presyo ng kada kilo ng asukal na kanilang ibinebenta matapos makipag-usap ni Executive Secretary Victor Rodriguez.

Pinulong ni ES Rodriguez ang owners ng SM Supermarket, Robinsons Supermarket, at Puregold Supermarket, base na rin sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr.

“The President lauded the selfless response from these businessmen who are sacrificing not just their own inventory but also their projected business profits for the sake of the ordinary Filipinos at this time when the country is besieged by many problems,” ani Rodriguez.

Sinabi ni Rodriguez na ang SM stores ay nangakong ang segundang asukal (washed sugar) ay ibebenta ng P70, gayundin ang Robinsons Supermarket na magbabagsak ng isang milyong kilo ng asukal na ibebenta rin ng P70 kada kilo sa Metro Manila.

Nangako rin ang Puregold na ibababa sa P70 kada kilo ang presyo ng kanilang refined sugar at gagawing available sa publiko ang 2 milyong kilo.

Upang matiyak na maraming ‘consumers’ ang makabibili ng murang asukal, sinabi ni Rodriguez na babantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bawat merkado upang maiwasan din ang posibleng ‘household hoarding’ ng ilang nangangalakal na mamimili.

Inaasahang babagsak ang presyo ng asukal sa Metro Manila sa susunod na linggo at mananatili ang P70 kada kilo ng asukal’ sa merkado hangga’t may sapat na supply.

Ayon pa kay Rodriguez, maging ang Victorias Milling Company ay nangako rin upang tulungan ang ‘traders food manufacturing industries’ sa pamamagitan ng 45,000 sako at 50 kilos per sack bottler-grade sugar para softdrinks companies, tulad ng like Coca-Cola, Pepsi at RC Cola. (CHRISTIAN DALE)

171

Related posts

Leave a Comment