Sa one time, bigtime ops sa QC 3,200 HEALTH PROTOCOL VIOLATORS ARESTADO

UMABOT sa 3,200 katao na health protocol violators ang nahuli sa “one-time, bigtime” na operasyon ng Department of Public Order and Safety, QC Police District, Task Force on Transport and Traffic Management, Task Force Disiplina, at Market Development and Administration Department sa 142 barangays sa nasabing siyudad.

Ang mga lumabag ay dinala sa Quezon Memorial Circle para sa kaukulang documentation at lecture kaugnay sa mga ordinansa na may kinalaman sa minimum health protocols ng siyudad.

Sila ay inisyuhan ng Ordinance Violation Receipts (OVR) na may kaakibat na multa na halagang P300, P500, at P1,000 para sa una, pangalawa at pangatlong paglabag.

Ang mga naaresto ay pagbabayarin sa kanilang multa sa rasonableng panahon.

Kung hindi naman makababayad sa itinakdang panahon, sasampahan sila ng kaso sa City Prosecutors Office na makakaapekto sa sa pagkuha nila ng police clearance.

Kasabay nito, tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan sa panahon ng operasyon. Ang mga nagpakita ng symptoms ng COVID-19 tulad ng fever, cough, colds, at nahihirapan sa paghinga ay isasailalim sa swab testing.

Samantala, namigay ang mga nagsagawa ng operasyon ng face masks at face shields sa nahuling violators.

Sinabi ni DPOS head, Gen. Elmo San Diego (Ret.) layunin ng operasyon na mabawasan ang bilang ng health protocol violators sa siyudad.

“Ginawa na natin itong ‘one time, bigtime’ noong nakaraang buwan, at gagawin pa rin natin ngayon. Hindi tayo titigil hangga’t marami pa ring pasaway na hindi sumusunod sa ating local ordinances on health protocols,” ani San Diego. (JOEL O. AMONGO)

156

Related posts

Leave a Comment