Sa operasyon ng PNP-PRO5, Phil. Army LIDER NG NPA SPARU PATAY SA ENGKWENTRO

ISANG itinuturong lider ng SPARU liquidation squad ng komunistang New People’s Army ang napaslang sa joint law enforcement operation ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 at Philippine Army 9th Infantry Division sa Sitio Alpha, Barangay Balete, bayan ng Aroroy sa lalawigan ng Masbate.

Ayon kay Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen ng Army 2nd Infantry Battalion, inabandona ng kanyang mga kasamahan si Roberto Emaas alyas “Ka Obet” na kasamang tumatakas ng isa pang sugatang NPA hanggang sa mamatay ito sanhi ng kritikal na tama ng bala.

Nabatid sa ulat na isinumite kay PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo ng Masbate PNP, magsisilbi ng warrant of arrest kay Eddie Rosero alyas “Ka Star” ang pinagsanib na pwersa ng 94SAC, 9SAB (PNP SAF); Delta Coy, 2ND IB, 9TH ID Phil. Army; 3rd Maneuver Platoon, Masbate 1st Police Mobile Force Company; Police Intelligence Unit-Masbate PPO; PIT-Masbate, RIU 5; 96th MICO; 504th MC, RMFB5 at Aroroy MPS nang makasagupa nila ang hindi mabilang na mga miyembro ng teroristang NPA bandang alas-6:00 ng umaga noong Hunyo 28, 2021.

Tumagal ng 15 minuto ang sagupaan bago nagpasayang umatras ang mga rebeldeng NPA bitbit ang kanilang mga sugatan kabilang si Emaas na nasa ilalim ng pamumuno ni Eddie Rosero, habang walang nasugatan sa panig ng gobyerno.

Nakuha sa encounter site ang dalawang IED, anti-personnel mine, wire na may habang 50 metro, isang bandolier na may nakalagay na dalawang magazine ng M16 at may lamang 26 na 5.56mm na bala.

Patuloy na tinutugis ng mga tauhan ng gobyerno ang iba pang tumakas na mga miyembro ng teroristang NPA.

Si Emaas ang pangunahing suspek sa walang habas na mga pagpaslang sa mga walang kalaban-labang mamamayan ng bayan ng Aroroy partikular sa Barangay Balete, Concepcion at Luy-a noong mga nakaraang buwan. (JESSE KABEL)

207

Related posts

Leave a Comment