Sa pagbili sa Malampaya shares SPECIAL TREATMENT KAY DENNIS UY NASILIP

(BERNARD TAGUINOD)

NAKAAMOY ng ‘special treatment” ang oposisyon sa pagpabor ng Department of Energy (DOE) sa negosyante at malapit na supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Dennis Uy sa pagbili nito sa share ng Shell at Petron sa Malampaya.

“Mukhang may special treatment talaga,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite dahil pinayagan umano ng DOE na pinamumunuan ni Secretary Alfonso Cusi si Uy na bumili ng share sa Malampaya kahit hindi kumpleto ang dokumento.

“Bakit nila inaprubahan ang pagbili na iyan kahit hindi kumpleto ang kinakailangang mga dokumento? Hinabol na lang ni Dennis Uy ang mga requirements, pinalusot muna nila, bago sinuri,” ayon pa sa mambabatas.

Hindi rin aniya masagot ng DOE kung may kakayanan ng kumpanya ni Uy na i-manage ang Malampaya bukod sa napakaliit din umano ng capitalization nito at galing lahat sa utang ang ginastos sa pagbili ng share.

“Lalangoy na lang bigla sa karagatan ng pera ng Malampaya si Dennis Uy na hindi man lang nabusisi nang maayos kung dapat ba talagang pahintulutan ang naganap na transaksyon,” ayon pa kay Gaite.

Kilala si Uy na malapit kay Pangulong Duterte at isa sa pangunahing nagbigay ng campaign fund dito noong 2016 election. Pag-aari rin ng negosyante ang Dito Telecommunity kasama ang isang Chinese-based telecom company.

Wala nang pondo?

Samantala, kinuwestiyon ni Deputy Speaker Lito Atienza ang DOE sa pagkaubos umano ng kita ng gobyerno sa Malampaya projects dahil mula sa dating P332 billion ay P124 billion na lamang aniya ang naiwan.

Ayon sa mambabatas, P208 billion umano ang ginastos ng DOE sa nasabing pondo para sa murang kuryente program ng gobyerno subalit hindi ito naramdaman ng consumers.

“Murang kuryente? Kailan tayo nakinabang sa murang kuryente? Kailan tayo nakinabang sa pondo ng Malampaya?,” tanong ni Atienza kaya dapat umano itong ipaliwanag ni Cusi.

Sinabi ng mambabatas na nakasaad sa batas na ang kita sa Malampaya ay dapat gamitin sa mga proyekto para madagdagan ang pinagkukunan ng supply ng kuryente o enerhiya subalit ginamit ito sa murang kuryente na hindi naramdaman ng consumers.

“This is laughable because we all know that the cost of electricity in the Philippines is the highest in Asia and among the highest in the world,” ayon pa sa mambabatas.

99

Related posts

Leave a Comment