HINDI ikinalugod ni Philippine National Police (PNP) director-general Guillermo Eleazar ang rekomendasyong 40-day suspension ng PNP-Internal Affairs Service (IAS) para sa isang pulis na nakapatay ng binatilyong autistic nito lamang nakaraang Mayo.
Ayon kay Eleazar, hindi pa lusot sa kaso si Senior Master Sergeant Christopher Salcedo ng Valenzuela PNP kaugnay ng pagpatay sa 18-anyos na si Erwin Arnigo, kasabay ng pahayag na kailangan pang pag-aaralan ng Discipline, Law and Order Division, na nasa ilalim ng Directorate for Personnel and Records Management ang lahat ng mga resolusyon ng IAS na may kaugnayan sa mga kasong administratibo laban sa mga pasaway na pulis.
Una nang inulan ng batikos ang IAS sa ipinataw nitong parusa kay Salcedo. Maging ang naulila ng biktima, dismayado.
“But just like other results of IAS investigations, this case will still be subjected to two more reviews— under the Discipline, Law and Order Division or DLOD of the DPRM and under the Office of the Chief PNP – to determine if there are solid legal grounds to justify the recommendations made. This is how due process works in your PNP,” paliwanag ni Eleazar.
“Naiintindihan ko ang saloobin ng pamilya ni Erwin Arnigo sa inirekomendang parusa ng Internal Affairs Service sa pulis na naging dahilan ng kanyang kamatayan sa isang anti-illegal gambling operation sa Valenzuela noong nakaraang Mayo,” dagdag pa niya.
Lubhang ikinagulat ng pamilya ng biktima ang rekomendasyong 40-day suspension without pay ng IAS para sa pumaslang sa kanilang kaanak. Bunsod nito, agad na nagpasaklolo ang pamilya ng pumanaw na si Arnigo kay Eleazar.
“Sa ngayon, masusing nire-review ang kasong ito sa DLOD at gaya ng ipinangako ko sa pamilya Arnigo at sa ating mga kababayan, magiging patas ang resulta ng imbestigasyon at aksyon ng inyong PNP tungkol dito,” sambit ng Chief PNP.
Sinasabing tinangka umanong agawin ni Arnigo ang baril ng pulis kaya’t nabaril ito habang sila ay nagpapambuno – bagay na kinontra naman ng kaniyang pamilya na nagsabing takot sa mga pulis ang biktima.
Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation sa nagpapatuloy na pagsisiyasat tungkol sa insidente. (JESSE KABEL)
152 