Sa pamamayagpag ng e-gambling KASO NG MISSING SABUNGEROS MAUULIT

HANGGA’T hindi ipinagbabawal ang lahat ng uri ng online gambling, mauulit ang kaso ng mga sabungero na dinukot at pinatay dahil sa kasakiman ng mga nasa likod ng mga nasabing sugal.

Ito ang babala ni CIBAC party-list Rep. Bro. Eddie Villanueva matapos muling ihain ang kanyang House Bill (HB) 637 o “Anti-Online Gambling Act of 2025” na hindi naisabatas noong nakaraang Kongreso.

“The deaths and disappearances of the ‘sabungeros’ are only the tip of the iceberg and is doomed to be a recurring symptom of a deeper social ill caused by greed. We must put these to end once and for all,” ani Villanueva.

Ayon sa mambabatas, patuloy na sinisira ng iba’t ibang uri ng online gambling ang maraming buhay, pamilya at kinabukasan ng mga kabataan at isang patunay rito ang kaso ng mga nawalang sabungero.

Base sa mga report, tuloy ang operasyon ng e-sabong kahit ipinagbawal na ito at nadagdagan pa ito dahil sa mga online casino na ineendorso mismo ng mga kilalang celebrities kaya marami ang nagugumon.

“The disappearance of the sabungeros is a tragic manifestation of how online gambling has spiraled into lawlessness. E-sabong was just one form. What happens when other online gambling platforms follow the same path of violence and exploitation?,” ayon pa sa mambabatas.

Umaasa ang mambabatas na ngayong 20th Congress ay tuluyang maipapasa ang nasabing panukala.

Samantala, sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi lamang regulasyon ang dapat gawin sa online gambling kundi tuluyang ipagbawal ito.

Kung nagawa aniya ito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay mas kailangang gawin ito sa mga online gambling dahil mga Pilipino ang tinatarget at sinisira ng mga ganitong uri ng sugal.

Magandang Patakaran

Kaugnay nito, hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang “mas magandang patakaran” para tugunan ang mga usapin na may kinalaman sa online gambling.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na naiintindihan ni Pangulong Marcos ang sentimyento ng mga pamilya na nagkakaroon ng problema dahil sa adiksyon o pagkagumon sa online gambling games ng kanilang mahal sa buhay.

“Ang Pangulo po ay nakikisimpatiya sa mga pamilya na nabibiktima ng ganitong klaseng gambling dahil po iyong iba nilang kasama sa bahay ay nagiging gumon sa pagsusugal,” ayon kay Castro.
“So, iyan po ay tinitingnan din po ng Pangulo para mas maganda po ang maging polisiya pagdating po sa online gambling,” aniya pa rin.

Bukas naman ani Castro si Pangulong Marcos sa panukala ng Department of Finance (DoF) na i-regulate at magpataw ng buwis sa online gaming platforms.

Sa ulat, inihayag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bukas sila sa panukalang higpitan pa ang mga regulasyon laban sa illegal online gambling.

Ang pahayag ng PAGCOR ay kasunod ng inihaing panukalang batas ni Senator Sherwin Gatchalian na nagsusulong sa pagbabawal ng paggamit ng e-wallets para sa online gambling.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

43

Related posts

Leave a Comment