INAMIN ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na posibleng ma-bankrupt ang ahensya kung magpapatuloy ang repatriation ng mga OFW hanggang sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senate Committe on Labor Employment and Human Resource Development, sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac na nasa 150,000 pang OFW ang kailangang irepatriate dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Cacdac na aabot sa P4.5 bilyon ang gagastusin sa pagpapauwi sa mga OFW kasama na ang kanilang quarantine at transportasyon papunta sa kani-kanilang tahanan.
Sa pagtaya ng opisyal, sa pagtatapos ng 2020 ay aabot na lamang sa P10 bilyon ang kanilang pondo mula sa kasalukuyang P18 bilyon at sa pagtatapos ng 2021 ay maaaring umabot na lamang ito sa P1 bilyon.
Sa kabila nito, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na gamitin ng ahensya ang pondo nito upang tulungan ang mga OFW hindi lamang para makabalik sa kanilang mga pamilya kundi mabigyan ng pangkabuhayan.
Ang OWWA Fund ay mula sa OFW membership contributions na dapat gamitin para sa mga OFW. (DANG SAMSON-GARCIA)
