Sa posibleng pagsipa ng kaso ng Delta variant HOSPITAL BED CAPACITY DARAGDAGAN

RENE CRISOSTOMO/CHRISTIAN DALE)

BILANG paghahanda sa posibleng paglobo ng kaso ng COVID-19 Delta variant sa bansa, iniutos ng Department of Health (DOH) na dagdagan ang bed capacity sa mga pampubliko at pribadong ospital.

Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, unti-unti na ring ina-upgrade at pinalalawak ang mga pasilidad ng ospital para matugunan ang pangangailangan ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Dahil dito, inatasan ang mga pribadong ospital na magkaroon ng kahit 20% at karagdagan pang kapasidad para sa posibleng muling pagsipa ng kaso.

30% naman sa mga pampublikong ospital ang itatakda habang mahigit 50% naman sa oras na sumirit muli ang bilang ng COVID-19.

Kaugnay nito, mahigpit na naka-monitor ang Malakanyang sa coronavirus (COVID-19) situation sa Malaysia habang patuloy na nakikipagpambuno ang Southeast Asian nations sa pagtaas ng infections bunsod ng mas nakahahawang Delta variant.

Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesman Harry Roque ay matapos sabihin ni Health Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan ng DOH ang posibilidad na isama ang Malaysia at Thailand sa ipinatutupad na travel ban ng Pilipinas.

“Kung binanggit na po ni Secretary Duque ‘yan, I can confirm, at least, na binabantayan natin yung Malaysia,” ayon kay Sec. Roque.

“Yun lang po yung alam ko na minomonitor natin very closely ang developments,” dagdag na pahayag nito.

Napaulat kasi na dumaranas ngayon ang Thailand ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 na mayroong 9,186 new infections sa isang araw dahilan para magresulta ito ng 372,215 simula nang sumipa ang pandemya noong nakaraang taon.

Habang ang Malaysia ay napaulat na nakapagtala ng 13,215 bagong COVID-19 cases na nagresulta naman ng total infections na 880,782.

Kahapon ay pinalawig pa ng pamahalaan ang travel restrictions ng mga bansang India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman hanggang Hulyo 31, 2021 matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases.

Inatasan din ng IATF technical working group na muling pag-aralan at magbigay ng mga rekomendasyon sa nararapat na testing at quarantine protocols para sa mga biyahero ng mga nasabing bansa at iba pang mga lugar na matutukoy na “high risk”.

Matatandaang pinalawig hanggang Hulyo 15 ang travel ban sa pitong bansa bilang bahagi ng pag-iingat na huwag makapasok sa Pilipinas ang Delta variant ng COVID-19.
Sa kabilang dako, nagtala na rin ng nakaaalarmang bilang ng infections ang Indonesia matapos malampasan na umano nito ang kaso ng India.

176

Related posts

Leave a Comment