Hindi naharang ng sibat: REMULLA BAGONG OMBUDSMAN

IT’S FINAL! Itinalaga na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang bagong Ombudsman ng bansa, kapalit ni Samuel R. Martires na natapos ang termino noong Hulyo.

Nauna nang ibinunyag ni Sen. Imee Marcos na si Remulla ang napili ng Pangulo para sa posisyon noong Lunes, Oktubre 6, ngunit pinayuhan ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na huwag pangunahan ang anunsyo ng Pangulo.

“Tingnan po muna natin. Huwag muna pong pangunahan ang Pangulo. Marami pong pagpipilian, pito po ang nasa shortlist,” pahayag ni Castro.

Ayon sa PCO, nagsilbi si Remulla bilang ika-59 na Kalihim ng Department of Justice (DOJ) mula pa noong Hunyo 2022. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, naisulong ang mga reporma sa modernisasyon ng justice system, pag-decongest ng mga kulungan, mabilisang pagresolba ng mga kaso, at pagpapalawak ng access sa legal services.

Bilang dating mambabatas, gobernador, at abogado, si Remulla ay kilala sa kanyang integridad at malasakit sa serbisyo publiko.

“As Ombudsman, Remulla is expected to uphold transparency, strengthen anti-corruption measures, and ensure that justice is administered fairly and efficiently,” ayon sa pahayag ng PCO.

“There will be no sacred cows, no exemptions, and no excuses. Public office is a public trust, and those who betray it will be held accountable,” dagdag pa nila.

Muli ring pinagtibay ni Pangulong Marcos na ang transparency, fairness, at rule of law ang magiging gabing prinsipyo ng administrasyon sa isinusulong nitong Bagong Pilipinas na tunay na nagsisilbi sa mamamayan.

Agad Magsampa ng Kaso

Hinamon naman ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon si bagong Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na magsampa agad ng kaso sa loob ng dalawampung (20) araw laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Sa ambush interview kahapon sa Kamara, sinabi ni Guanzon na kung seryoso ang Marcos administration sa laban kontra korupsyon, dapat nang mag-file ng kaso sa Sandiganbayan si Remulla.

“Mag-finding na siya ng probable cause para makaakyat na sa husgado. Klaro-klaro naman — ang dami ng admissions eh,” ani Guanzon, sabay diin na hindi na kailangang idaan sa preliminary investigation ang kaso.

Ganito rin ang panawagan ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, na umaasang agad kikilos ang Ombudsman para maibalik ang tiwala ng taumbayan.

“Begin the process of filing criminal cases against those involved in the massive flood control corruption,” giit ni Cendaña.

Bukod dito, umaasa si Cendaña na agad tatanggalin ni Remulla ang balakid sa publiko na magkaroon ng akses sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng lahat ng government officials.

Si Remulla ay tuluyang itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang bagong Ombudsman na ang termino ay magtatagal sa loob ng susunod na pitong taon, sa kabila ng pagtutol ng iba’t ibang grupo kasama na si Sen. Imee Marcos.

Panangga ng Marcos admin

Samantala, hindi na ikinagulat ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ang pagkakatalaga kay Remulla bilang bagong Ombudsman dahil kailangan umano siya ng administrasyong Marcos bilang panangga sa kanilang mga problema.

“It makes sense… sa dami ng problema ng mga nakaupo ngayon, kailangan nila ng lahat ng tulong na makuha nila para mapagtakpan sila…. even at the cost of making a mockery of our Constitution… God bless the Philippines!,” patutsada ni Duterte.

(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

44

Related posts

Leave a Comment