SA wakas ay kinilala na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naipanalong kaso ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) laban sa China sa usapin ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Apat na taong nanahimik ang Pangulo sa usaping ito at laging sinasabi na wala tayong laban sa China dahil walang kapabilidad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na makipag-giyera sa mas malakas na puwersa ng Peoples Liberation Army (PLA) ni Chinese President Xi Jinping.
Isa ako sa natuwa na sa wakas ay nagsalita na si Duterte at sa United Nations General Assembly pa niya ito ginawa na pag-aari ng Pilipinas ang inokupahang mga reef ng China sa West Philippine Sea.
Akala ko matatapos ang termino ni Duterte na hindi nito ipagtatanggol ang teritoryo ng Pilipinas sa WPS dahil alam naman nating lahat na malapit siya sa pinakamataas na lider ng communist party ng China.
Sana totohanan na ito dahil mahalaga ang teritoryong ito sa mga susunod na henerasyon ng bansa. Napakalaking resources ang makukuha ng teritoryong ito na puwedeng magpaganda sa buhay ng mga susunod na saling lahi.
Kailangan na pakinabangan ng mga Filipino ang yaman ng nasabing karagatan at hindi ng China kaya kailangan silang mapalayas sa loob ng ating bakuran sa lalong madaling panahon.
Pero kailangan natin ang tulong ng ibang bansa lalo na ang UN. Kailangan ipatupad ng UN ang award na ibinigay sa Pilipinas noong Hulyo 16, 2016 dahil hindi kayang mag-isa ng Pilipinas
Dapat pasunurin ng UN ang China at ituro sa kanila na igalang ang international law dahil lahat ng utos ng UN ay binabalewala ng bansang ito tulad ng ginawa nila sa WPS.
Hindi pa maituturing na super power ang China pagdating sa military capabilities dahil nasa ibabaw pa nila ang United States (US) pero ngayon pa lamang ay hindi na marunong gumalang sa batas.
Papaano na lang kung talagang masapawan na nila ang Amerika pagdating ng araw? Baka lahat ng bansa na gusto nilang sakupin ay kaya na nilang gawin dahil balewala naman sa kanila ang UN.
Hangga’t hindi ipinapatupad ng UN ang kanilang mga desisyon, wala talagang gagalang sa kanila at inuumpisahan na ‘yan ng China.
Hindi dapat sa maliliit na bansa lang nila ginagamit ang kanilang kapangyarihan.
Kailangang magkaisa sila sa pagpapalayas sa China sa territorial water ng Pilipinas sa lalong madaling panahon, bago nila maubos ang yaman na dapat ay para lang sa mga Filipino.
Masyadong magulang ang China dahil noong panahon ni US President Barack Obama, nagkaroon ng stand-off ang US at China sa Scarborough shoal pero nagkasundo ang dalawang bansa kasama na ang Pilipinas na umalis na lang ang dalawang dayuhang puwersa sa lugar.
Umalis ang warship ng Amerika pero hindi umalis ang China at mula noon inangkin na nila ng tuluyan ang scarborough shoal. Ganyan katuso ang China…hindi mapagkakatiwalaan at walang palabra de honor.
Pero naniniwala ako na baka matutong sumunod sa batas ang China kung magkaisa ang lahat ng bansang kasapi sa UN..baka sakali.
141