SOLON SA KRITIKO NG DUTERTE ADMIN: TUMULONG SA PAGBANGON

HINILING ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga kritiko at oposisyon na tumulong na lamang sa pagsisikap ng pamahalaan na maibangon ang kabuhayan ng bansa at maprotektahan ang bawat Filipino laban sa COVID-19 pandemic kaysa maghanap ng ibubutas o ipaninira sa gobyerno.

Sa panayam sa kanya kasabay ng ginawang pamamahagi ng ayuda sa mga nasunugan sa Davao City, sinabi ni Go na ngayong panahon ng krisis dapat nagkakaisa at nagbabayanihan ang mga Filipino.

“Tama ‘yung sinabi na ‘damned if you do, damned if you don’t.’ Alam ko ‘yan, nararamdaman ko ‘yan.

Kami po, ginagawa namin ang lahat para sa Filipino. Nagseserbisyo kami para sa Filipino pero may iilang tao talaga na bawat ginagawa mo para sa iyong kapwa tao, sasabihin nila mali,” sabi ni Go.

Ngunit sinabi niya na sa kabila ng kritisismo ng oposisyon, sinisikap ng administrasyong Duterte na maresolba ang sitwasyon o krisis para makarekober ang ating mga kababayan.

“Ang trabaho ng oposisyon to oppose sa trabaho ng administrasyon,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ng mambabatas na habang naghihintay ang bansa sa availability ng bakuna laban sa COVID-19, patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng iba’t ibang hakbang para mapigil ang pagkalat ng virus at pagtiyak na makababangon ang bansa.

“Totoo ang sinabi ni Pangulong Duterte, ang COVID, di natin nakikita. Ang COVID, di natin alam kelan matatapos, totoo po ‘yun. Vaccine ang pag-asa natin sa ngayon. Pero habang nag-aantay tayo sa vaccine ay gumagawa naman po ng paraan ang gobyerno,” aniya.

Umaasa siya na ang sitwasyon sa bansa ay magbabalik sa normal hanggang patuloy rin ang mga Filipino sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad, nananatiling nakabantay at nagmamalasakit sa kapwa.

Sa naturang distribusyon ng tulong sa Barangay Paciano Bangoy Hall, namahagi ang grupo ni Go ng meals, food packs, masks, face shields, financial aid, vitamins at medicines, gift cards at iba pang anyo ng ayuda.

Nagbigay rin ang senador ng mga bisikleta sa piling residente bilang bahagi ng kanyang pagpo-promote sa paggamit ng alternatibong masasakyan habang may health crisis.

“Ang pagsunod ninyo sa mga patakaran ay paraan ng pakikipagbayanihan at pagmamalasakit sa kapwa natin. Magtulungan po tayo upang malampasan ang krisis na ito,” anang senador. (ESTONG REYES)

147

Related posts

Leave a Comment