NAPAKALINAW ng nakasaad sa Republic Act 11469, o Bayanihan to Heal as One Act, na bibigyan ng pera ng pamahalaan ang 18 milyong pinakamahihirap na mga pamilyang Filipino sa loob ng dalawang buwan.
Abril at Mayo ‘yan na halos sinarado ang ekonomiya ng bansa.
Social Amelioration Program (SAP) ang itinawag ng mga senador at kongresista sa pamamahagi ng ayudang pinansiyal sa mga pinakamahihirap.
Bago ipatupad ang R.A. 11469, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mamahagi ng bilyun-bilyon perang inilaan sa SAP para sa 18 milyong mahihirap dahil kumbinsido ang pangulo na kung direktang ipasa ito sa mga pamahalaang lokal ay makukorakot pa ito.
Nang mamamahagi na ang DSWD ng P5,000 hanggang P8,000 sa bawat pamilya mula tuktok ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao ay naglabasan ang napakaraming kapalpakan hinggil sa totoong bilang ng pinakamahihirap na mga pamilyang Filipino.
Hindi 18 milyon ang hawak na bilang ng DSWD.
Hindi na nga 18 milyon, mayroon pang mga patay na kasama sa listahan ng DSWD na mga pangalan ng mga ubod nang hihirap na Filipino.
Humingi ng tulong si Secretary Rolando Bautista sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Kaya, nag-utos si DILG Secretary Eduardo Año sa lahat ng pamahalaang lokal, partikular sa mahigit 42,000 barangay, na tulungan ang DSWD sa pagkuha ng mga pangalan ng mga mahihirap na pamilya.
Sa prosesong ito, nakarating sa media na mayroong namimiling mga barangay sa ililista nilang mga pangalan.
Tumagal ang prosesong ito kung saan napakaraming mahihirap ang hindi nakatanggap ng ayuda.
Tapos, nang ipamahagi na ang pera ay mayroong mga punong barangay ang nabistong kinurakot ang perang inilaan sa mga pinakamahihirap.
Porakagat na ‘yan!
Gayunpaman, tinapos na ng DSWD nitong Agosto ang pamamahagi ng ayuda para sa Abril at Mayo.
Ngunit, nabunyag sa media na ibinaba sa apat na milyon ang mga pinakamahihirap na pamilyang nabigyan ng ayuda para sa Mayo.
Habang tinatalakay at binubusisi sa isang sub-committee ng Senado ang hinihinging badyet ng DSWD para sa 2021 ay ideneklara ng isang opisyal ng nasabing kagawaran na mayroon itong “savings” na P10 bilyon mula sa SAP.
Hindi kasama si Senador Panfilo Lacson sa nasabing pagdinig ng sub-committee, ngunit siya ang nagbunyag sa media ng P10 bilyong natipid ng DSWD.
Nabanggit din ni Lacson ang ginawang pagbaba sa apat na milyong bilang ng mga pinakamahihirap na Filipino mula sa 18 milyong nakasaad sa R.A. 11469.
Lumabas sa media ang pahayag ng isang opisyal ng DSWD na ang P10 bilyon ay gagamitin nito sa ibang proyekto.
Hindi ako abogado, ngunit alam kong ilegal ang planong ito ng DSWD.
Tahasang paglabag ito sa R.A. 11469 dahil ang P10 bilyon ay bahagi ng SAP.
Ipinagbabawal din ng Republic Act 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Law ang paglipat at paggamit ng pera ng pamahalaan sa ibang proyekto mula sa orihinal nitong paggagamitan.
Kailangang busisiing mabuti ng mga senador ang iniyabang ng DSWD na P10 bilyong nakatipid bago nito ipasa ang hinihinging badyet ng DSWD na P171.2 bilyon para sa 2021.
Hindi ‘kyut’ ang ideya ng DSWD na ipinagkatiwala ni Duterte ang pamumuno kay Bautista matapos nitong magretiro sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nakakaalarma ito dahil mayroong espesipikong trabaho, tungkulin at obligasyon ang DSWD sa SAP.
At ito ay nakabatay sa ipinag-utos at ipinagkatiwala ni Duterte sa DSWD ang bilyun-bilyong pera ng pamahalaan para bigyan ng suportang pinansiyal ang mga pinakamahihirap na pamilyang kababayan natin sa panahong halos sarado ang ekonomiya.
Huwag din nating kalimutan na kaya ipinagawa ni Duterte sa DSWD ang pamimigay ng ayuda mula sa SAP ay dahil napakalaki ng tiwala niya sa sekretaryo ng DSWD na si Rolando Bautista kaysa mga alkalde ng pamahalaang lokal.
Tapos, ang mangyayari sa SAP ay makatitipid pa ng P10 bilyon at magiging apat na milyon na lang ang pinakamahihirap na mga pamilyang Filipino sa ikalawa at huling buwan ng pamamahagi ng pera sa orihinal na 18 milyon.
Ang totoo ay 23 milyon dapat ito sa ikalawang buwan dahil dinagdagan pa ni Duterte ng limang milyon ang 18 milyong pamilyang itinakda at ipinag-utos ng R.A. 11469 na makikinabang ng ayudang pinansiyal.
Tapos, naging apat na milyon na lang ang pinakamahihirap?!
Pokaragat na ‘yan!
Umangat ang buhay ng labing-siyam na milyon?
O, ang totoo ay walang puso ang DSWD sa mga mahihirap?
Kung mayroong puso ang DSWD sa ilalim ng pamumuno ni retiraong heneral Bautista, bakit naging apat na milyon na lang ang pinakamahihirap na nakinabang ng SAP?
120